Alvarado Jenny Sanchez Alvarado Source: Samahan ng mga DH sa Gitnang Silangan (SANDIGAN) FB

Pamilya ng namatay na OFW sa Kuwait tinutulungan ng gobyerno

Chona Yu Jan 18, 2025
9 Views

TINIYAK ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na tuloy ang pagtulong ng gobyerno sa namatay na overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait na si Jenny Sanchez Alvarado.

Namatay si Alvarado sa coal smoke inhalation.

Sa pahayag na inilabas ng Presidential Communications Office (PCO), sinabi ni Cadcdac na nagsasagawa na ng imbestigasyon para matukoy ang posibleng pananagutan ng amo ni Alvarado at ng service provider.

“Sa ngayon, patuloy ang aming pagtulong sa pamilya kaya’t patuloy ang aming pakikipag-usap at pakikipagdaup-palad,” ayon kay Cacdac.

Kasabay nito, nagbigay na rin aniya sila ng tulong sa pamilya ng nasawi at nagtungo na rin sa bahay si Administrator Arnell Ignacio ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) isang araw matapos din siyang magtungo roon.

Dagdag pa ni Cacdac na hindi naman isinasantabi ng mga awtoridad ang posibilidad ng foul play sa pagkamatay ni Alvarado.

Sa ngayon ay nakatuon aniya ang gobyerno sa autopsy ng National Bureau of Investigation (NBI) na isinagawa noong Biyernes at tinitingnan kung may kapabayaan ang amo ng nasawi.

Pinag-aaralan din ng mga abogadong Pilipino sa Kuwait ang posibleng pananagutan ng service provider kaugnay ng maling repatriation at hindi tamang pag-identify sa mga labi ng biktima na dumating sa bansa noong Huwebes.

Si Alvarado ay namatay dahil sa paglanghap ng usok ng uling noong Enero 2, kasama ng isang Nepalese at isang Sri Lankan na kanyang kasamahan, habang nagbabakasyon sa bahay ng kanilang amo noong Bagong Taon.