Calendar

Pamilyang nasalanta ng landslide sa Laguna tinulungan ni Matibag
NAMAHAGI ng tulong si Laguna 1st district Rep. Ann Matibag sa mga residenteng nasalanta ng landslide sa Brgy. Sampaguita, San Pedro City noong Huwebes.
Tinungo ni Rep. Matibag ang lugar ng insidente para alamin ang sitwasyon ng 37 indibidwal o pitong pamilyang biktima na nawalan ng tahanan bunsod ng pagguho ng lupa.
Namahagi ng tig-P10,000 cash assistance at grocery packs ang pulitiko sa bawat apektadong pamilya kasabay ng pag-abot ng hygiene kits ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Office of the Civil Defense (OCD).
Bahagi din sa naturang relief efforts ang Zonta Club of Laguna.
Nanawagan si Rep. Matibag sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at sa iba pang ahensya ng gobyerno para sa agarang pagkilos at rehabilitasyon ng nasirang imprastraktura.
Pasado alas-10:00 ng gabi ng Huwebes nang biglang gumuho ang malaking bahagi ng riprap sa nasabing barangay sa kasagsagan ng malakas na ulan dulot ng bagyong Crising.
Kasalukuyang sumisilong ang apektadong mga pamilya sa barangay hall.