Kotong Source: NBI

Pampanga mayor nangikil ng P80M para sa pabor na reso, arestado

Bernard Galang Aug 6, 2025
341 Views

ARESTADO ang isang alkalde ng Pampanga at ang kasama nito sa isang entrapment operation sa isang restaurant sa Clark Freeport Zone, Pampanga dahil sa umano’y “pangingikil.”

Ang pinagsanib na elemento ng NBI-NCR sa koordinasyon ng NBI-PAMDO, PSD-CDC at Mabalacat City police ay naglunsad ng operasyon sa Café Mesa, Clark Freeport Zone na nagresulta sa pagkakaaresto sa nasabing alkalde kasama ang isang alyas “Doc Yang” habang nasa akto ng pagtanggap ng umano’y suhol kapalit ng pabor na resolusyon mula sa lokal na pamahalaan.

Batay sa reklamong inihain ng isang kumpanya humingi umano ang alkalde ng P80-milyong suhol — P30 milyon bilang paunang bayad at ang natitirang P50 milyon ay babayaran nang installment.

Agad dinala ang alkalde at kasama sa NBI-PAMDO bago itinurn over sa NBI-NCR Office sa Maynila.

Kinasuhan ang dalawa ng paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at iba pang kaugnay na penal laws at isinailalim sa inquest proceedings noong Miyerkules.

Arestado din sa operasyon ang security aide ng alkalde matapos mahulihan ng ilang piraso ng baril at mga live ammunition na isasailalim sa verification.