Pampasabog, armas, bala nakuha sa bahay sa QC

529 Views

NADISKUBRE ng pulisya ang may 205 piraso ng mga pampasabog, mga armas at mga bala na nakatago sa basement ng isang tahanan sa Brgy. Pasong Tamo, Quezon City.

Batay sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) Holy Spirit Station (PS 14), bago ang pagkarekober ay nakatanggap ng sumbong ang mga tauhan ng PS 14 mula sa isang Teshary Salas, 28, na may nadiskubre siyang nakatagong bunker sa basement sa kanilang tahanan at may mga nakatago doong mga armas at eksplosibo.

Si Salas ay anak ni Arthur Agpalo, ang lalaking nasangkot sa isang insidente ng barilan sa lungsod noong Huwebes, Pebrero 17, at malaunan ay napatay ng mga pulis matapos na mang-hostage ng isang pamilya sa QC.

Sinabi ni Salas na pagkamatay ng kanyang ama ay saka niya nadiskubre ang naturang bunker sa basement ng kanilang tahanan sa Rosal St., sa Pingkian 2, Zone 2, Brgy. Pasong Tamo noong Sabado, ganap na alas-10:05 ng gabi.

Kabilang sa mga narekober ng mga pulis ay dalawang rifle grenade, isang fragmentation hand grenade, apat na pirasong .38 revolver, isang improvised long firearm, isang caliber .9mm, 34 na piraso ng 12 gauge shot gun, 160 piraso ng (5.56) live ammos ng M-16 armalite at dalawang magazine ng M-16.

Sa rekord ng QCPD, lumilitaw na si Agpalo ay miyembro ng isang grupo na sangkot sa isang shooting incident noong Pebrero 14, Lunes.

Natunton naman ng mga pulis ang kinaroroonan ng suspek noong Huwebes, ngunit sa halip na sumuko ito ay nagtangkang tumakas at nang-hostage ng pitong miyembro ng isang pamilya.

Nakipagbarilan din siya sa mga pulis na nagresulta sa kanyang kamatayan.

Ang mga pampasabog ay inilipat na sa District Explosive Ordinance Disposal Canine Unit (DECU) habang ang mga armas at mga bala ay nai-turned over na sa Firearms Identification Division (FAID) sa Camp Crame, Quezon City para sa kaukulang imbestigasyon at disposisyon.

Sent from my iPhone