Rep. Mika

Pampulitikang pakikialam sa pamamahagi ng tulong ng gov’t ilalim ng 2026 GAB pinagbabawal

228 Views

MAHIGPIT na ipinagbabawal ang pampulitikang pakikialam sa pamamahagi ng tulong ng gobyerno sa ilalim ng 2026 General Appropriations Bill (GAB), na inaprubahan ng bicameral conference committee noong Linggo.

Ayon kay House Committee on Appropriations chairperson at Nueva Ecija Rep. Mika Suansing, layon ng espesyal na probisyong ito na pigilan ang pamumulitika sa parehong cash at non-cash na mga programang pantulong na pinopondohan ng pambansang badyet.

Sa panayam sa mga mamamahayag matapos ang paglagda sa ulat ng bicameral conference committee, sinabi ni Suansing na saklaw ng pagbabawal ang pag-isyu ng guarantee letters para sa mga mahihirap na pasyente sa ilalim ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP).

Dagdag pa niya, saklaw din ng pagbabawal ang mahahalagang programang panlipunang proteksiyon tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).

Ayon kay Suansing, ang probisyon ay nilalayong tiyakin na ang tulong ng gobyerno ay ipinamamahagi nang patas at batay lamang sa pangangailangan, nang walang impluwensiyang politikal.

“May special provision po, kung hindi ako nagkakamali, Section 78 ng General Provisions, ‘yun po ‘yung patungkol sa pagbabawal ng pampulitikang pakikialam sa pamamahagi ng cash at iba pang uri ng tulong pinansyal,” ani Suansing. “Nakapaloob na po ‘yun at saklaw po nito ang lahat ng klase ng cash at non-cash na tulong pinansyal.”

Sinabi rin ni Suansing na ang digital na kopya ng 2026 GAB ay naka-iskedyul na ilabas noong Linggo ng gabi para sa mga miyembro ng Senado at Mababang Kapulungan.

“Kumpleto na po lahat ng volumes—1A, 1B, 1C, at 2—at ilalabas po ito ngayong gabi para sa mga miyembro,” aniya.

“Magkakaroon sila ng sapat na oras at kalayaan upang suriin ang General Appropriations Bill na ipinasa at pinagtibay ng bicameral conference committee,” dagdag pa ni Suansing. “Ito ang kauna-unahang pagkakataon sa mahabang panahon na ang buong digital na kopya ng General Appropriations Bill ay ipapamahagi sa mga miyembro bago ang ratipikasyon.”

“Noon po kasi, ang ibinibigay lamang ay ang ulat ng bicameral conference committee na may mga buod. Ngayon, ang buong General Appropriations Bill na ang maa-access ng mga miyembro bago sila bumoto para ratipikahin ang badyet,” dagdag niya.

Hinikayat din ni Suansing ang Palasyo na magsumite ng pambansang badyet para sa 2027 at mga susunod na taon nang mas maaga.

“Mga dalawang linggo po itong mas huli kumpara noong nakaraang taon. Noong Agosto 13 na po namin natanggap ang NEP (National Expenditure Program). Sana po, kung matatanggap namin ito kaagad pagkatapos ng SONA (State of the Nation Address) o ilang araw matapos ang SONA, malaking tulong po iyon sa pamamahala ng aming timeline,” ani Suansing. “Sana po, sa susunod na taon ay mas maaga na naming matatapos.”