Calendar
Pamumuno ni Speaker Romualdez, 2025 legislative agenda ni PBBM suportado ng NP
NAGPAHAYAG ng suporta ang mga lider ng Nacionalista Party (NP) kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez at sa 2025 legislative agenda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kasabay ng pagkilala sa kanilang pamumuno at pagnanais na maging produktibo at nagkakaisa ang bansa.
Ayon kina Las Piñas City Rep. Camille Villar, Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers at Romblon Rep. Eleandro Jesus Madrona, akma ang mga prayoridad ng 19th Congress sa agenda ng Bagong Pilipinas na magbibigay katiyakan na ang mga hakbang ng lehislatura ay nakatuon sa mga kinakailangan ng bansa, tulad ng pagpapaunlad ng ekonomiya, institutional reforms at pagpapabuti sa kabuhayan ng mga karaniwang Pilipino.
“Speaker Romualdez’s leadership ensures na ang bawat hakbang natin sa Kamara ay may direksyon at malinaw na layunin para sa ikabubuti ng lahat,” ayon kay Barbers.
“Siya ang nangunguna sa pagbibigay diin sa pagkakaisa at pagtutulungan ng lahat ng political parties,” dagdag pa nito.
Ipinunto naman ni Villar na ang paraan ng pamumuno ni Speaker Romualdez, na nagpapalakas ng kooperasyon sa pagitan ng mga partido, ay naging susi upang makamit ang mga layunin sa lehislatura at higit pang mga tagumpay.
“With Speaker Romualdez at the helm, we’ve proven that unity in Congress can lead to great outcomes. Ang masipag at masinsin niyang trabaho ang gumagabay sa atin para maipasa ang mga batas na may tunay na benepisyo sa ating mga kababayan,” ayon kay Villar.
Sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Romualdez, naaprubahan sa Kamara ang 27 sa 28 priority bills ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), kabilang ang Anti-Financial Accounts Scamming Act, VAT on Digital Transactions, at Self-Reliant Defense Posture Act.
Kasama sa iba pang mga prayoridad ng LEDAC na naging batas na ang mga sumusunod:
1. Amyenda sa Government Procurement Reform Act – RA 12009
2. Amyenda sa Anti-Agricultural Smuggling Act – RA 12022
3. Academic Recovery and Accessible Learning Program (ARAL) – RA 12028
4. Enterprise-Based Education and Training (EBET) Program – RA 12063
5. Philippine Maritime Zones – RA 12064
6. Archipelagic Sea Lanes – RA 12065
7. CREATE MORE – RA 12066
8. Amyenda sa Rice Tariffication Law (RTL) – RA 12078
Nakabinbin naman sa bicameral conference ang panukalang:
1. Blue Economy
2. Amyenda sa Foreign Investors’ Long-Term Lease
Naaprubahan na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang mga sumusunod:
1. Reporma sa Philippine Capital Markets
2. Amyenda sa Right-of-Way
3. Excise Tax on Single-Use Plastics
4. Rationalization of the Mining Fiscal Regime
5. Department of Water Resources/ National Water Resources
6. Amyenda sa Universal Health Care
7. Open Access in Data Transmission
8. Waste Treatment Technology
9. Pagkakaroon ng National Citizens Service Training (NCST) Program/ Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC)
10. Military and Uniformed Personnel Pension Reform Bill
11. E-Governance
12. Amyenda sa Philippine Immigration Act
13. New Government Auditing Code
14. Amyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) – Rationalizing the Mandate of the Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM) Corporation
“Bilang tagapamuno ng Kamara, si Speaker Romualdez ay nangunguna sa pagtutulak ng tunay na reporma para sa ating bansa. Hindi lamang ito tungkol sa dami ng naipasang batas kundi sa kalidad at benepisyo ng mga ito sa sambayanang Pilipino,” sabi naman ni Madrona.
Kinilala rin ng mga lider ng NP ang pakikipagtulungan ni Speaker Romualdez sa mga miyembro ng Kamara, kaya’t naaprubahan ang 60 sa 64 na mahahalagang batas sa ilalim ng Common Legislative Agenda (CLA). Kabilang na rito ang SIM Registration Act, Maharlika Investment Fund Act at Regional Specialty Hospitals Act.
Sinabi ni Villar, ang lahat ng ito ay naisakatuparan dahil sa pagkakaisa ng mga mambabatas sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Romualdez.
“He promotes camaraderie and unity among lawmakers, enabling us to focus on what truly matters – serving our citizens and passing legislation that improves their lives,” ayon pa kay Villar.
Idinagdag pa ni Barbers na ang kanilang partido ay lubos na sumusuporta sa direksyong itinakda nina Speaker Romualdez at Pangulong Marcos ngayong 2025.
“Ang Nacionalista Party ay mananatiling katuwang sa pagbuo ng mga batas na tumutugon sa mga pangangailangan ng bawat Pilipino. We are fully aligned with their vision for progress,” wika pa nito.
Pinuri rin ng mga opisyal ng NP si Speaker Romualdez sa pagbibigay prayoridad sa mga panukalang batas na tumutugon sa mga pangunahing problema ng bansa, tulad ng pagbangon ng ekonomiya, seguridad sa pagkain at pampublikong kalusugan.
“Makakaasa ang ating mga kababayan na ang Kamara, sa pamumuno ni Speaker Romualdez, ay patuloy na magpapasa ng mga batas na may direktang pakinabang sa kanila,” giit pa ni Villar.
Habang naghahanda ang Kamara sa pagbabalik sesyon sa susunod na linggo, muling tiniyak ng mga lider ng NP ang kanilang pangako na maipasa ang natitirang mahahalagang panukala ng LEDAC at CLA at maisakatuparan ito bago matapos ang ika-19 na Kongreso.
“We are witnessing a productive and unified House, and it’s largely because of Speaker Romualdez’s example. He sets the tone, and everyone follows suit,” ayon naman kay Madrona. “With the guidance of Speaker Romualdez and PBBM, we are ready to take on the challenges of 2025 and beyond.”
Tiniyak din ng NP ang patuloy na pakikipagtulugan kina Speaker Romualdez at Pangulong Marcos Jr. upang tiyakin na ang legislative agenda ay magsilbing gabay para sa patuloy na pag-unlad at mas magandang kinabukasan para sa lahat ng mga Pilipino.
“Our achievements are proof that when we work together under strong and inspiring leadership, we can accomplish great things for the Filipino people. Sa tulong ng liderato ni Speaker Romualdez at sa suporta ni Pangulong Marcos, sama-sama nating isusulong ang isang Bagong Pilipinas,” dagdag pa ni Barbers.