Gonzales Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales, Jr.

Panawagan kina Alice Guo, Cassandra Ong: Isiwalat ang lahat, sabihin ang totoo

34 Views

SABIHIN ang totoo at ilahad ang lahat ng kanilang nalalaman sa ilegal na operasyon ng mga Philippine offshore gaming operator (POGOs) para sa kapakanan ng bansa.

Ito ang panawagan ni Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales, Jr. kina dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at Katherine Cassandra Li Ong, na kapwa iniuugnay sa ilegal na operasyon ng POGO hubs sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga.

“Alice Guo and Cassandra Ong are claiming they are Filipinos. If this is true, they owe it to our country to speak up and reveal all they know about these underground POGOs that flourished during the past administration,” ayon kay Gonzales.

“Tayong mga Filipino, mahal natin ang ating bansa. Kung mga Filipino sila, dapat mahal din nila ang ating bayan,” saad pa nito.

Ang dating alkalde ng Bamban na si Guo, na nahaharap sa patong-patong na kaso kaugnay ng mga aktibidad ng POGO sa kanyang bayan, ay inaresto ng mga awtoridad sa Indonesia, kung saan siya nagtago, at ibinalik sa Maynila noong Biyernes.

Si Guo ay inaasahang haharap sa Senado sa susunod na linggo upang sagutin ang mga alegasyon tungkol sa POGO hub sa Bamban.

Habang si Ong, na nakadetine sa Kamara, ay una ng ginisa ng House quad committee — na nagsisiyasat sa mga ilegal na POGO operations, kalakalan ng ilegal na droga at sa extrajudicial killings (EJK) na naganap sa madugong war on drugs ng nakaraang administrasyon.

Sa pagdinig ng joint panel noong Miyerkules, isinugod sa ospital si Ong dulot ng unstable blood pressure level habang inuusisa ng mga mambabatas sa Kamara.

Ayon kay Gonzales, maaaring nakaranas ng matinding pressure si Ong mula sa mga tao o grupo na nasa likod ng ilegal na POGO.

“A person who is telling the truth is usually relieved of pressure, stress and anxiety. The truth sets him or her free. This was not obviously the case with Miss Ong. She must be keeping a lot of things from us,” ayon pa sa kaniya.

“Bakit magiging unstable ang blood pressure mo kung ikaw ay nagsasabi ng totoo?” tanong pa ng kongresista.

Sa pagdinig noong Miyerkules, sinabi ni Ong na mayroon siyang 58 porsiyentong bahagi sa korporasyong nagmamay-ari ng malawak na lupa sa Porac, kung saan itinayo ang 46 na gusali, isang mansyon at iba pang istruktura ng POGO operator na tinukoy bilang Lucky South 99.

Bagama’t inaming siya ay nakipag-ugnayan sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) bilang kinatawan ng Lucky South 99, patuloy na itinatanggi ni Ong ang pagkakasangkot sa operasyon ng POGO.

Ayon sa PAGCOR, isa lang ang gusaling binigyan nila ng lisensya bilang POGO sa Porac hub at hindi na nila ni-renew ang lisensya nito.

Dismayado si Gonzales dahil naapektuhan ang reputasyon ng Pampanga dahil sa ilegal na operasyon ng POGO sa Porac, kung saan nasamsam din ang P3.6 bilyong halaga ng shabu sa isang warehouse sa Mexico noong Setyembre 2023, at ang pagkakatuklas ng P1.3 bilyong halaga ng ilegal na droga sa isang abandonadong sasakyan sa Mabalacat City noong Agosto ng taong iyon.

“Kawawa ang probinsiya namin, a progressive growth area in Central Luzon. We should be able to recover from this mess, but we should know what really happened with the cooperation of vital witnesses like Miss Ong,” saad pa nito.

Sa pagdinig noong Miyerkules, hinimok ni Gonzales si Ong na isiwalat ang katotohanan subalit naging maingat ito sa kanyang pagsagot at hindi nagbibigay ng detalyadong impormasyon.

Si Gonzales ang pangunahing tagapagtaguyod ng pinagsamang imbestigasyon ng apat na komite tungkol sa mga POGO, ilegal na droga at EJK at ang may akda ng resolusyon upang imbestigahan ng House committee on dangerous drugs, na pinamumunuan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, ang pagkakasamsam ng P3.6 bilyong halaga ng shabu sa bayan ng Mexico.