Calendar

Panawagan mula Senado: I-check ng regular mga tren sa Metro Manila
NAGPAHAYAG ng pag-aalala si Senadora Grace Poe kaugnay ng magkakasunod na aberya sa operasyon ng mga tren sa Metro Manila.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng kaligtasan at regular na maintenance para matiyak ang maayos na biyahe ng mga pasahero, sa gitna ng mga insidenteng nakaaapekto sa linya ng MRT-3 at LRT-1.
Noong Hunyo 17, pansamantalang nahinto ang operasyon ng MRT-3 matapos matuklasang may nasusunog na kawad sa poste sa pagitan ng Cubao at Santolan stations bandang 7:36 ng umaga.
Muling naibalik ang operasyon makalipas ang isang oras matapos ang agarang maintenance checks.
Kasunod nito, noong Hunyo 18, halos siyam na oras na natigil ang serbisyo ng LRT-1 bunsod ng electrical fault sa pagitan ng Redemptorist–Aseana at Baclaran stations.
Kumpirmado ng Light Rail Manila Corporation, na siyang nangangasiwa sa linya, ang problema at agad nagsagawa ng pagkukumpuni bago tuluyang naibalik ang normal na operasyon.
Sa isang pahayag, iginiit ni Poe na “the causes of these disruptions… are serious and could impact passenger safety if left unattended.”
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng masusing inspeksyon at preventive maintenance upang maiwasan ang panganib sa mga mananakay.
Dagdag pa niya, “Regular maintenance and checks on the trains and tracks are indispensable. Our kababayans rely heavily on mass transportation, and every ride to their destination should be free from hassle or harm.”
Tinukoy din ni Poe ang kasalukuyang pagpapalawak ng mga linya ng tren at muling binigyang-diin na hindi dapat maisantabi ang kaligtasan ng mga kasalukuyang pasilidad.
“The simultaneous stoppage of train operations must not be overlooked,” babala pa niya, sabay panawagan sa mga operator at sa Department of Transportation na palakasin ang pangangasiwa at gawing pangunahing layunin ang kaligtasan ng mga pasahero.