BIR1

Panawagan ng BIR: Mas mataas na buwis sa vape products

29 Views

NANAWAGANG ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na itaas ang buwis sa mga vapor products dahil kung mas mababa ang buwis ng mga ito kumpara sa sigarilyo, malaki ang mawawalang kita ng pamahalaan.

Ayon kay Atty. Jethro Sabariaga ng BIR, dapat pareho ang buwis ng sigarilyo at heated tobacco products. Ngunit para sa vape, iminungkahi niyang mas mataas pa ito kaysa sa sigarilyo. Aniya, “Ang isang vape ay mas maraming puffs kaysa sa isang pakete ng sigarilyo,” kaya hindi patas ang kasalukuyang buwis.

Ipinaliwanag ni Sabariaga na ang isang pakete ng sigarilyo ay katumbas ng humigit-kumulang 300 puffs, samantalang ang vape ay may hindi bababa sa 600 puffs. Dahil dito, maaaring malugi ang gobyerno kung hindi aangkop ang buwis sa aktwal na konsumo.

Sinang-ayunan ng Department of Finance (DOF) ang mungkahi. Ayon kay DOF Director Maria Carla Espinosa, sinusuportahan ng ahensya ang iisang buwis para sa lahat ng vapor products upang mapadali ang pangongolekta ng buwis at tumaas ang pagsunod ng mga negosyo.

Sinabi rin ni Senador Win Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Ways and Means, na panahon na upang itaas ang buwis sa vape, lalo na’t may banta ito sa kalusugan ng publiko, partikular sa kabataan. Aniya, “May teknikal na smuggling na nagaganap dahil mas mura ang mga freebase vape products.”

Dagdag pa ni Gatchalian, “Tayo lang daw ang bansa sa buong mundo na may dalawang klase ng buwis para sa vape,” kaya iminungkahi niyang magkaroon ng iisang tax rate para sa nicotine salt at freebase, at magpataw din ng ad valorem tax sa mga vape device, alinsunod sa pandaigdigang praktis.

Samantala, tumaas ang koleksyon ng BIR mula sa vape simula nang ipatupad ang vape stamp system noong Hunyo 2024. Mula sa ₱223.75 milyon noong 2023, umakyat ito sa ₱942 milyon sa loob lamang ng isang taon.