Dy1

Panawagan ng Quinta Comm sa NBI na imbestigahan middleman sa rice cartel, kinatigan ni Dy

Mar Rodriguez Dec 13, 2024
89 Views

KINATIGAN ni House Deputy Majority at Isabela 6th Dist. Rep. Faustino “Inno” A. Dy V ang naging pagkilos ng House Quinta Committee patungkol sa panawagan nito sa National Bureau of Investigation (NBI) upang imbestigahan ang di-umano’y middleman na nagpapataas sa presyo ng bigas sa bansa.

Nauna rito, inatasan ng Quinta Committee ng Kamara de Representantes, kilala din bilang Murang Pagkain Super Committee, ang NBI para imbestigahan ang mga middleman hinggil sa mataas na presyo ng bigas sa mga palengke kahit na ibinaba na ang taripa ng imported na bigas.

Dahil dito, pagdidiin ni Dy na papanagutin ang mga taong nasa likod kabilang na ang mga middleman para tumaas ang presyo ng bigas sa iba’t-ibang pamilihan na nagdudulot ng mabigat na pasanin para sa mga mamimili. Habang sang-ayon din ang mambabatas sa panukala ng kapwa nito kongresista na dapat makilala at matukoy ang mga indibiduwal at organisasyon na responsable sa mataas na presyo ng bigas.

Sabi ng kongresista na dapat lamang na papanagutin ang mga retailers, middleman at wholesalers dahil sa ginagawa nilang price manipulation sa presyo ng bigas sa pamamagitan ng pagsisiyasat na ikakasa ng NBI laban sa mga taong ito.

Naghain din ng mosyon si House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st Dist. Rep. Janette L. Garin upang makilala at maimbestigahan ang mga indibiduwal at organisasyon na responsable sa mataas na presyo ng bigas sa mga pamilihan.

Sinegundahan naman ni Cavite 2nd Dist. Rep. Lani Mercado-Revilla ang mosyon ni Garin na inaprubahan naman ni Albay 2nd Dist. Rep. Joey Sarte Salceda, ang lead Chairman ng House Quinta Committee.