Hot News

Panawagan ni Gatchalian sa mga senador: Magkaisa bilang isang Senado

40 Views

GatchalianGatchalian1

Gatchalian2
GATCHALIAN SA MGA SENADOR: MAGTRABAHO NA — Nanawagan si Acting President Sherwin Gatchalian sa ibang senador na bumalik na at magtrabaho para sa mga nakabinbin na panukala nitong Hunyo 4, 2026. Sinabi ng senador sa mga mamahayag ng Senado na kakausapin niya ang mga miyembro ng minority para maayos ang mga sigalot. Inimbitahan din ni Gatchalian si DILG Sec. Jonvic Remulla para tiyakin ang seguridad sa Senado.
Kuha ni JOSEPH MUEGO

NANAWAGAN si Acting Senate President Sherwin Gatchalian sa mga senador na magkaisa bilang “one Senate” at panatilihing nagtatrabaho ang kapulungan para sa sambayanang Pilipino, habang ipinagtanggol niya ang mga pangyayari noong Hunyo 3 na nagresulta sa kanyang pagkakahalal bilang Senate President Pro Tempore at acting Senate President.

“Let us be a working Senate for the Filipino people. Let us unite as one Senate,” ani Gatchalian.

Sinabi ni Gatchalian na isinagawa sa harap ng publiko ang proceedings at tumalima ito sa Konstitusyon, kasunod ng mga tanong sa legalidad ng leadership change.

“All the proceedings are in full view of the public and compliant with our Constitution,” sinabi niya.

Nanatiling hati ang Senado matapos ang sesyon noong Hunyo 3, habang kinukuwestiyon ni Senate President Alan Peter Cayetano ang hakbang at iginiit na siya pa rin ang legal na Senate President.

Ayon kay Gatchalian, kinilala ng Kamara de Representantes at Malacañang ang proceedings, at kailangang makipagtulungan ang Senado sa dalawang institusyon upang maipasa ang mga nakabinbing panukala.

“Ang batas hindi maipapasa kung hindi pipirmahan ng Presidente. So these are our partners para makapasa tayo ng mahalagang batas,” ani Gatchalian.

Sinabi niya na pinag-uusapan pa ng mga senador kung aling mga nakabinbing panukala at kumpirmasyon ang dapat unahin kung magpapatawag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng special session.

“We also need to coordinate with our counterparts, ang House of Representatives, kung ano pa ang mga natitira nilang bills, ano pa ang mga kailangan nilang gawin. Sayang kasi kung nag-special session tayo, make sure ma-maximize na natin ang oras,” ani Gatchalian.

Isa aniya sa mga tinututukan ang kumpirmasyon ng limang heneral na maaaring maapektuhan ang promosyon kapag hindi ito naaksiyunan bago sila umabot sa mandatory age limit.

“Ang isa sa mga concerns natin ay ang limang general na dapat ma-promote pero hindi sila na-confirm at pag lumampas sila sa birthday nila, hindi sila pwede i-promote. So unfair naman sa mga general natin na nagsilbi sa ating bansa at ating bayan,” sinabi niya.

Sinabi ni Gatchalian na sinusuri niya at ng iba pang senador ang listahan ng mga nakabinbing panukala at appointments na maaaring isama sa agenda ng posibleng special session.

“I need to consult our senators first. Kailangan natin ma-consult siya para malaman natin kung ano ang kailangan natin aprubahan sa special session,” ani Gatchalian.

Umabot din sa Senate Blue Ribbon Committee ang sigalot sa liderato matapos kuwestiyunin kung matutuloy ang nakatakdang pagdinig.

“Wala tayong hearing today,” ani Gatchalian.

“Walang hearing. Walang resource persons,” dagdag niya, sabay paliwanag na hindi papayagang pumasok ang resource persons dahil walang pagdinig sa ilalim ng kanyang posisyon.

Ayon kay Gatchalian, iniurong ng Blue Ribbon chairman ang pagdinig.

“There’s no hearing, that’s for sure kasi re-schedule ng Blue Ribbon chairman,” sinabi niya.

Gayunman, as of press time, itinuloy ng Cayetano-led Senate Blue Ribbon ang pagdinig at nagpapatuloy ito, tanda ng nananatiling sigalot sa awtoridad sa Senado at sa takbo ng committee proceedings.

Sinabi rin niya na bukas pa rin ang mga opisina ng Senado para sa mga senador, ngunit paiiralin ang security protocols ng kapulungan.

“Nandito building ng SP, office ng senador. Karapat-dapat lang sila pumasok dito. Since walang hearing, walang resource persons,” ani Gatchalian.

Sinabi ni Gatchalian na personal siyang humingi ng tulong kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla upang makatulong sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa paligid ng Senado.

“Personally, ako humingi ng tulong kay Sec. Remulla para masigurado natin na ang premises ng Senado ay laging protektado at orderly,” sinabi niya.

Kailangan din aniyang suriin ng Senado ang sitwasyon matapos makatanggap ng impormasyon na may ilang grupong nagpaplanong magsagawa ng kilos-protesta.

Plano rin ni Gatchalian na makipag-ugnayan sa mga senador sa kabilang panig, kabilang ang mga nasa tinukoy niyang bagong minorya.

“I know it’s difficult for now kasi emotions are high. Pero kung medyo kumuhupa ng emosyon, kailangan namin mag-usap-usap kami,” ani Gatchalian.

Sa usapin ng impeachment process, sinabi ni Gatchalian na kukonsulta siya sa clerk of court tungkol sa mga dapat sunding procedure.

“I have to consult with the clerk of court kung ano ang procedures,” sinabi niya.

Sinabi rin niya na karaniwang ang Senate President ang namumuno sa impeachment proceeding maliban kung iba ang pasya ng Senado.

“Still, the Senate President will preside the impeachment unless ang Senate itself will agree and say we elect somebody else. But as a rule, it’s the Senate President,” ani Gatchalian.

Iginiit ni Gatchalian na kailangang magpatuloy ang operasyon ng Senado sa kabila ng sigalot.

“Kung may ganitong situation, dapat tumatakbo pa rin ang Senate. So that’s why they appointed an acting Senate President para takbo pa rin lahat, lahat pa rin gumagana,” sinabi niya.

Sinabi rin niya na batay sa kanyang personal na kaalaman, bahagi ng majority bloc si Senator Francis “Chiz” Escudero.

“As far as I’m concerned, part siya ng majority bloc. So di siya independent. At least from what my knowledge, my personal knowledge is,” ani Gatchalian.

Ayon kay Gatchalian, dapat tutukan ng mga senador ang pagbabalik sa normal na trabaho ng kapulungan.

“We want to go back to work. Gusto nating maayos ang takbo ng Senado. Pantay-pantay naman kami na gusto nating magtrabaho. So I think common goal yan ng any senator,” sinabi niya.