Revilla

Panawagan ni Sen. Revilla: Dagdag ayuda, pabahay para sa nasunugan

Edd Reyes Sep 15, 2024
97 Views

NANAWAGAN si Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. sa mga ahensiya ng pamahalaan na magkaisang tulungan ang halos 2,000 pamilya na nawalan ng tirahan sa malaking sunog na naganap sa Barangay 105 Road 10 Aroma, Tondo Sabado ng tanghali.

Ayon kay Revilla, hindi lang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang dapat kumilos sa pagtulong sa may 1,950 pamilyang nasunugan kundi maging ang National Housing Authority (NHA) upang mabigyan sila ng pabahay sa lalung madaling panahon.

May opisyal na kahilingan na aniya ang kanyang tanggapan sa Senado, gayundin ang tanggapan ni Cong. Lani Mercado sa dalawang ahensiya ng pamahalaan, dahil kailangan aniya ang pagtutulungan sa mga ganitong sitwasyon, hindi lamang sa mga nasunugan sa Tondo kundi maging sa kanilang lugar sa Bacoor, Cavite.

Ginawa ng Senador ang kanyang panawagan nang dalawin niya, kasama ang maybahay na si Congresswoman Lani Revilla, ang libo-libo katao na pansamantalang nanunuluyan sa Vicente Lim Elementary School at sa dalawang covered court ng Brgy. 105 at 106 sa Tondo, Manila na pansamantalang ginawang evacuation center Linggo ng hapon upang mamahagi ng tulong.

Nilinaw naman ng Senador na noon pa nila ginagawa ang pagtulong sa mga nangangailangang kababayan kasabay ng panawagan na huwag itong bigyan ng kulay pulitika.

“Ito ang tamang panahon ng pagbabayahihan, magtulong-tulong at magsama-sama tayo para makatulong sa mga kababayan natin, let us set aside politics dahil kung iisipin natin ang pulitika, hindi na tayo gugulong, parang hindi naman yata maganda yan,” pahayag pa ni Sen. Revilla.

Sa kanyang pagsasalita, ipinangako ng Senador sa mga nasunugan na bukod sa ipinamahagi nilang mga pagkain, relief goods, at galon-galong mineral water, inaayos na rin ng kanyang tanggapan ang tulong pinansiyal na kanyang ipamamahagi sa bawa’t pamilyang nawalan ng tirahan.