Chiz

Panawagan ni SP Chiz sa mga senador na iwasang magkomento sa impeachment sinuportahan

39 Views

SINUPORTAHAN ng isang lider ng Kamara de Representantes noong Huwebes ang panawagan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero sa mga senador na iwasan ang pagbibigay ng pahayag sa publiko kaugnay ng impeachment complaint na inihain laban kay Vice President Sara Duterte.

Sinabi ni Deputy Majority Leader at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V na makabubuti na maiwasan na magmukhang may hatol na ang mga senador bago pa man mabasa ang reklamo at makita ang mga ebidensya.

“Tama po ’yun. Actually, nakikiisa po tayo sa statement ni Senate President Chiz,” ani Ortega sa isang press conference sa Kamara de Representantes.

“Kasi wala naman pong judge na sasabihin niya na pabor siya o hindi pabor sa ganitong kaso. Kahit saan pong judiciary kayo pumunta, wala pong judge na pupunta sa social media o kaya man lang sa publication na sasabihin niya na hindi ako pabor sa ganito, hindi ako pabor sa impeachment, pabor ako sa—wala pong gumagawa noon,” sabi nito.

Iginiit ni Ortega ang kahalagahan ng apela ni Escudero.

“Kaya nga nagbigay ng word of caution si Senate President. At tama naman po, ’yun naman po dapat ang gawin na, if ever it reaches the Senate,” sabi pa ng kongresista.

Dalawang impeachment complaint na ang inihain laban kay Duterte kaugnay ng mali umanong paggastos nito ng confidential fund na malinaw na pagtataksil sa tiwala ng publiko, at isang krimen.

Sa ilalim ng Konstitusyon, ang Kamara ang mayroong ekslusibong kapangyarihan na simulan ang impeachment.

Kapag nakumbinsi ang one-third ng kabuuang bilang ng mga miyembro ng Kamara na mayroong sapat na batayan ang impeachment, maghahain ito ng kaso sa Senado na siyang magsasagawa ng impeachment trial.