AFP1

Panawagan para sa proteksyon ng OFW sa Taiwan umiigting

20 Views

MATINDING SUPORTA ang ipinahayag ng mga senador sa mga paghahanda ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay ng posibilidad ng agresyon mula sa China laban sa Taiwan, habang binibigyang diin ang agarang pangangailangan na protektahan ang daan-daang libong Pilipinong naninirahan sa naturang isla.

Buong buo ang suportang ibinibigay ni Senador Joel Villanueva sa paninindigan ni AFP Chief Gen. Romeo Brawner Jr., na inatasan ang mga sundalo na “prepare for any eventuality.” Ayon kay Villanueva, “We subscribe to the saying that ‘It is better to prepare than to repair.’” Buo rin umano ang kanyang tiwala sa kakayahan ng militar na ipagtanggol ang bansa, ngunit iginiit niyang dapat prayoridad ng pamahalaan ang kaligtasan ng mga Pilipino sa Taiwan.

Nanawagan rin siya sa Department of Foreign Affairs (DFA) at sa Department of Migrant Workers (DMW) na manatiling alerto at maagap. “We have the AKSYON fund under the DMW which can be used in case there is a need for emergency repatriation,” dagdag niya.

Nagpahayag din ng suporta si Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa contingency planning ng AFP, ngunit binigyang-diin ang responsibilidad ng pamahalaan sa mga Pilipino sa ibang bansa. “The government should be ready, as it is ready, for any eventuality. Kung kailangan i-repatriate ang ating mga kababayan doon, then that is what we will do,” aniya. “Dapat matiyak ang kaligtasan ng bawat isa sa ating mga kababayan na nasa Taiwan.”

Pinuri ni Senador Sherwin Gatchalian ang AFP dahil sa “proactive stance” nito, at binigyang halaga ang kahalagahan ng isang masaklaw at koordinadong contingency plan na kinasasangkutan ng DFA, DMW, at OWWA. Nanawagan siya para sa “clear and decisive protocols for evacuation, repatriation, and crisis management” at binigyang diin ang pangangailangan ng agarang access sa pagkain, tirahan, serbisyong medikal, at transportasyon sakaling magkaroon ng emerhensiya.

“Dapat palaging mabilis at maagap ang ating aksyon upang mailigtas ang ating mga kababayan sakaling sumiklab ang giyera sa lugar,” babala niya, at nanawagan para sa mabilis at organisadong pagkilos sakaling magka-digmaan

Nagkakaisa ang mga senador sa paniniwala na dapat sabayan ng tamang galaw at paghahanda ng mga sibilyan ang paghahanda rin ng militar. Sa pagtaas ng tensyon sa Taiwan Strait, nananawagan ang mga mambabatas sa ehekutibo na tiyaking hindi malalagay sa panganib ang mga OFW na nakikipagsapalaran sa Taiwan kung kayat hinihimok nila ang administrasyon ng kahandaan sa mga posibleng susunod na magaganap.