Calendar

Panawagan sa DepEd: Wag hayaan PH na bullying capital ng mundo
NANAWAGAN si Senador Sherwin Gatchalian nitong Sabado sa Department of Education (DepEd) na tiyaking maayos at tuluy-tuloy ang pagpapatupad ng mga bagong hakbang laban sa bullying sa mga paaralan ngayong pagbubukas ng taong panuruan 2025–2026.
“Huwag na nating hayaang manatiling Bullying Capital of the World ang Pilipinas. Kailangang tiyakin nating ligtas ang ating mga paaralan, lalo na’t magbubukas ang bagong school year,” mariing pahayag ni Gatchalian.
Iginiit pa ng senador na kailangang ipatupad nang pantay-pantay sa lahat ng paaralan sa buong bansa ang mga updated guidelines ng DepEd hinggil sa pagpigil sa bullying.
Muling binigyang-diin ni Gatchalian ang panawagang ganap na ipatupad ang mga mahahalagang batas at programang tumutugon sa problema ng bullying.
Kabilang dito ang malawakang pagpapatupad ng Good Manners and Right Conduct (GMRC) at Values Education, pagdaragdag ng mga guidance counselor o guidance designate sa mga paaralan, at pagpapatupad ng Republic Act No. 11036 o ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act.
Ayon sa mga pinakahuling ulat, nananatiling matindi ang problema ng bullying sa mga paaralan sa bansa.
Mula 2022 hanggang 2025, umabot sa 522 ang mga kasong naitala ng DepEd sa buong bansa, habang halos 2,500 ang iniulat sa Metro Manila lamang para sa school year 2024–2025.
Sa datos mula sa Programme for International Student Assessment (PISA) noong 2018 at 2022, kabilang ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamataas na insidente ng bullying—kung saan halos kalahati ng mga estudyante ay nakararanas nito buwan-buwan.
Tinukoy din ni Gatchalian noon ang kakulangan ng mga gumaganang Child Protection Committees (CPCs) sa mga pampublikong paaralan.
Sa mahigit 45,000 public schools sa buong bansa, 966 lamang ang naiulat na may ganap na operational CPCs gaya ng itinatakda ng Anti-Bullying Law.
Bilang tugon sa patuloy na pag-aalala sa bullying, naglabas kamakailan ang DepEd ng binagong implementing rules and regulations para sa Anti-Bullying Act.
Ayon sa panibagong alituntunin, na magiging epektibo simula ng school year 2025–2026, kailangang magkaroon ng mga lokal na polisiya laban sa bullying ang lahat ng paaralan, magtatag ng mga sistema para sa pag-uulat at agarang pagtugon sa mga insidente, at magsumite ng regular na monitoring reports.
Binigyang-diin ni Gatchalian na ang pagprotekta sa mga mag-aaral mula sa bullying ay mahalagang hakbang upang matiyak ang isang ligtas at maayos na kapaligiran sa pagkatuto.
Idinagdag pa niya na mahalagang ganap na ipatupad ang mga polisiya sa edukasyon upang makamit ang pangmatagalang pagbabago sa kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral.