Tsino File photo ng mga Tsinong espionage suspek na iniharap nina NBI Director Judge Jaime Santiago atAFP Chief Of Staff General Romeo Brawner Jr. sa media matapos magsagawa ng punong balitaan sa tangapan ng NBI. File photo ni JON-JON C. REYES

Panawagan sa Senado: Mas matinding batas vs espionage

28 Views

BUNSOD Ng tumataas na bilang ng mga nahuhuli sa mga pang espiya, nanawagan si Senador Jose Jinggoy Estrada para sa pagpasa ng mas matinding batas laban sa espionage kasunod ng mga kamakailang pag-aresto ng mga hinihinalang espiya sa bansa.

Binibigyang-diin ng senador ang pangangailangan ng mas mabibigat na parusa at mas naaangkop na batas. upang tugunan ang makabagong banta.

Sa kanyang talumpati sa Senado, inisponsoran ni Estrada ang Senate Bill No. 2980 sa ilalim ng Committee Report No. 525, na naglalayong muling ipakahulugan at parusahan ang espiya at iba pang mga krimen laban sa pambansang seguridad.

“In the past few days, there had been a number of disturbing news articles reporting about the arrest of alleged spies in the country,” ani Estrada, na binanggit ang mga kamakailang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ibinahagi ni Estrada ang dalawang pangunahing insidente na nagbunsod ng panibagong panawagan para sa aksyong pambatas. Noong Enero 17, inaresto ng mga awtoridad sa Makati City ang isang hinihinalang Chinese “sleeper agent,” isang technical software engineer na pinaghihinalaang sangkot sa espiya, kasama ang dalawang Pilipinong kasabwat. Nasamsam mula sa mga suspek ang “devices used to survey critical infrastructure such as military camps, LGU offices, power plants, police camps and even shopping malls.”

Kinumpirma ng NBI na ang mga suspek ay nagsagawa ng intelligence, surveillance, at reconnaissance (ISR) operations na tumarget sa mga pasilidad na mahalaga sa pambansang depensa.

“They engaged in ISR operations, meaning intelligence, surveillance and reconnaissance operations, to the prejudice of our national defense considering that their targets are mostly critical infrastructures connected to national security.”

Isa pang insidente ang naganap noong Enero 30, kung saan limang Chinese nationals ang inaresto sa magkakahiwalay na operasyon sa Palawan, Ninoy Aquino International Airport (NAIA), at Dumaguete City dahil sa hinalang espiya.

Ayon kay Estrada, natuklasan na ang mga suspek sa Palawan ay naglalagay ng CCTV cameras na nakaharap sa dagat nang walang pahintulot ng may-ari ng resort at pinanood ang operasyon ng Philippine Coast Guard (PCG). Pinaghihinalaan silang nagmamanman sa mga aktibidad ng militar, kabilang ang resupply missions sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon sa Bureau of Immigration, ang mga naarestong indibidwal ay matagal nang naninirahan sa Pilipinas at nakapag-ugat na sa mga lokal na komunidad.

Kinilala ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner, Jr. na ang mga kasong ito ay maliit na bahagi lamang ng isang mas malawak na suliranin. “Iilan pa lang ang nahuli natin, marami pa ito.”

Binigyang-diin ng senador ang pangangailangan ng pag-amyenda sa Commonwealth Act No. 616, isang batas noong World War II na ipinasa noong 1941 at nananatiling batayan sa pag-usig ng mga espiya sa Pilipinas.

“Sa titulo pa lamang po ng batas na ito—‘Commonwealth Act’—panahon pa po ito kung kailan kontrolado ang ating bansa ng mga Amerikano,” ani Estrada, na binigyang-diin na binabanggit ng batas ang Estados Unidos ng 35 beses, dahil ito ay pangunahing inangkop mula sa U.S. Espionage Act of 1917.

Sa kasalukuyang batas, ang Article 117 ng Revised Penal Code ay nagpapataw lamang ng parusang prision correccional mula anim na buwan hanggang anim na taon para sa hindi awtorisadong pag-access sa impormasyon ng militar. Samantala, ang Section 8 ng Commonwealth Act No. 616 ay nagpapataw lamang ng isang taong pagkakakulong o multang PHP 2,000 para sa hindi awtorisadong pagkuha ng litrato ng mga pasilidad ng militar.

Ayon kay Estrada, ang mga parusang ito ay “nothing more than a slap on the wrist” kumpara sa bigat ng krimen ng espiya.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2980, iminungkahi ni Estrada ang parusang habambuhay na pagkakakulong na walang posibilidad ng parole at multang mula PHP 20 milyon hanggang PHP 50 milyon para sa mga krimen ng espiya.

Pinalawak din ng panukalang batas ang depinisyon ng espiya upang isama ang cyber-attacks at digital surveillance, na kinikilala ang makabagong banta na lampas sa tradisyunal na pamamaraan ng espiya.

“If this will eventually become a law, this will serve as a warning to all spies who are here in the country: Get out! Umalis na kayo ngayon at tantanan niyo na ang paniniktik sa Pilipinas kung ayaw niyong mabulok sa bilangguan. Huwag na rin kayong mag-tangkang manghimasok at makialam dito.”

Kinilala ni Estrada ang suporta ng mga pangunahing ahensya ng pambansang seguridad, kabilang ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Department of National Defense (DND), Department of Foreign Affairs (DFA), AFP, Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), at National Security Council (NSC), sa pagbalangkas ng panukalang batas.

Nanawagan siya sa kanyang mga kapwa mambabatas na suportahan ang panukala, na binanggit na siya lamang sa ngayon ang may-akda ng panukalang batas.

“Umaasa po ako ng inyong suporta, at pakikiisa ng lahat ng miyembro ng bulwagang ito sa hangaring mapagtibay ang ating batas laban sa mga espiya, parusahan at palayasin sila sa ating teritoryo, at higit sa lahat, protektahan ang pambansang seguridad at soberanya./// ps jun m sarmiento