Martin1

Pangako hindi mapapako: Kamara naaprubahan 2 sa nalalabing 9 LEDAC priority

Mar Rodriguez Aug 3, 2023
146 Views

KUMPIYANSA si House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na maabot ng Kamara de Representantes ang target nito na matapos ang nalalabing siyam sa 44 na panukala na prayoridad maisabatas ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Ginawa ni Speaker Romualdez ang pahayag matapos na aprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang House Bill No. 8456 at House Bill No. 8443, dalawa sa siyam na nalalabing LEDAC priority bills, sa loob ng dalawang linggo mula sa pagsisimula ng ikalawang regular session ng 19th Congress.

“The approval of these twin measures manifests our firm commitment to the passage of the remaining LEDAC priority measures in line with the Agenda for Prosperity of President Ferdinand R. Marcos, Jr.,” sabi ni Speaker Romualdez.

Sa botong 215 pabor at tatlo lamang ang tumutol, inaprubahan ng Kamara ang HB No. 8456 o ang Philippine Downstream Natural Gas Industry Development Act, na siyang magtatatag ng Philippine Downstream Natural Gas Industry (PDNGI) upang isulong ang paggamit ng mas ligtas at malinis na natural gas.

“Makakatulong ito sa ating layunin na pangalagaan ang kapaligiran upang maibsan ang masamang epekto ng climate change at masigurong mayroong sapat na supply at mas abot-kayang presyo ng koryente para sa ating mga mamamayan,” punto ni Speaker Romualdez

Nauna ng ipinanawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapalawig ng paggamit ng natural gas sa energy mix ng bansa at tugunan ang lumalaking pangangailangan sa suplay ng enerhiya at mapaunlad pa ang renewable energy sources.

Ang panukala ay naglalatag din ng mga polisiya upang mapalitan ng natural gas ang fossil fuel na ginagamit ng mga kasalukuyang planta.

Inaatasan din nito ang Department of Energy na pangasiwaan at bantayan ang implementasyon ng PDNGI gayundin sa mga itatayo at operasyon ng natural gas pipeline at mga kaugnay na pasilidad.

Inaprubahan naman ng Kamara sa biting 215 pabor ang HB No. 8443, na magtatatag sa Philippine Ecosystem and Natural Capital Accounting System (PENCAS). Walang tumutol sa pagpasa ng panukala.

Ilalatag nito ang sistema para sa pagsasagawa ng accounting ng natural capital ng bansa na gagamiting gabay sa pagpaplano ng mga programa at babalangkasing polisiya.

Ang Philippine Statistics Authority (PSA) katuwang ang the Interagency Committee on Environment and Natural Resources Statistics (IACENRS), the Department of Environment and Natural Resources (DENR), and the National Economic and Development Authority (NEDA) para sa implimentasyon ng PENCAS.

Dahil naman sa pagkakapasa ng HB 8456 at HB 8443, may sapat na oras pa ani Romualdez ang Kamara para ipasa ang pito pang LEDAC bills na kinabibilangan ng National Employment Action Plan, Department of Water Services and Resources, amyenda sa Electric Power Industry Act, Anti-Agricultural Smuggling Act, Budget Modernization, National Defense Act, at Unified System of Separation, Retirement and Pension for Uniformed Personnel.