Senator Risa Hontiveros

Pangamba sa PIGO, illegal POGO ibinunyag

16 Views

NANAWAGAN si Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na higpitan ang pagpapatupad ng pagbabawal sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), kasunod ng mga ulat na patuloy pa rin ang ilegal na pagsusugal sa kabila ng ginagawang pagsugpo ng gobyerno.

Binanggit din niya ang mga pangamba hinggil sa Philippine Inland Gaming Operators (PIGO) system, at tahasang inusisa kung ginagamit ba ito ng dating mga POGO firm bilang pantakip upang maipagpatuloy ang kanilang operasyon.

Sa isang pagdinig sa Senado, hiningi ni Hontiveros ang updates mula sa PAGCOR tungkol sa buong implementasyon ng POGO ban, na inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang 2024 State of the Nation Address.

Hiniling niya ang detalye tungkol sa natitirang ilegal na operasyon at tinanong kung paano sinisigurado ng PAGCOR ang pagsunod sa batas bukod sa simpleng pagbawi ng mga lisensya.

“Since the President’s declaration of the POGO ban nung SONA, pwede po bang magbigay ng recent updates ang PAGCOR tungkol dito? May estimation na po ba ang corporation kung ilan pang mga POGO ang nag-ooperate dito sa atin?” tanong niya.

Iniulat ni PAGCOR Assistant Vice President Atty. Jessa Fernandez na mula Hulyo 22, 2024, itinigil na ng ahensya ang pagbibigay at pag-renew ng POGO licenses. Pagsapit ng Disyembre 31, 2024, nabawi na ang 42 internet gaming licenses at 18 service provider authorizations, at isinara ang 304 operating sites.

Gayunpaman, iginiit ni Hontiveros na sa kabila ng mga hakbang na ito, may mga POGO pa rin na patuloy na ilegal na nag-ooperate sa pamamagitan ng paglipat sa mga residential area o paggamit ng alternatibong modelo ng negosyo. Hiningi niya sa PAGCOR ang kumpirmasyon kung sinasamantala ba ng mga ilegal na operator ang mga butas sa batas.

Inamin ni PAGCOR Senior Vice President Raul Villanueva na ang ilang dating POGO operators ay “splintered” o nagkabaha-bahagi sa maliliit na grupo, dahilan upang mahirapan silang matunton.
“We have some observations, ma’am, na andito sila sa mga residential but in small groups already sa mga subdivisions,” aniya.

Ipinaliwanag niya na bago ang pagbabawal, may awtoridad ang mga PAGCOR inspector na pumasok sa mga pasilidad kahit anong oras, kabilang ang madaling-araw.

Sa kasalukuyang sistema, kinakailangang makipag-ugnayan muna sa mga local government unit (LGU) at property administrators bago magsagawa ng inspeksyon.

“Today, medyo nahirapan kami kasi kailangan na namin ng tulong din ng local government,” ani Villanueva.

Binigyang-diin ni Hontiveros na hindi sapat ang simpleng pagbawi lamang ng lisensya at hiniling din niya ang mas matibay na pagpapatupad ng batas.

“Ongoing pa rin ang mga POGOs na umiiwas dun sa POGO ban,” aniya, idinagdag na patuloy susuriin ng Senado ang pagpapatupad ng batas upang matiyak ang ganap na pagsunod dito.

Bukod sa ilegal na POGO operations, kinuwestiyon din ni Hontiveros kung ginagamit ba ang PIGO system bilang isang paraan ng rebranding ng dating mga POGO firms.

Hiningi niya sa PAGCOR ang transparency sa usaping ito, partikular kung may dating POGO operators na nag-apply para sa PIGO licenses.

“The Senate President has called for a review also of the Philippine inland gaming operators. May developments po ba na mga dating POGO operators ay nag-a-apply para sa PIGO licenses? Kung ganun, pwede bang i-provide ng PAGCOR ang komiting ito ng bilang ng mga PIGO licenses issued ng PAGCOR?” tanong niya.

Aminado si Fernandez na wala siyang direktang impormasyon tungkol sa mga naturang aplikasyon ngunit nangakong magbibigay ng updated na datos sa Senado. Kumpirmado naman niyang 61 PIGO licenses na ang naipagkaloob ng PAGCOR.

Inilahad din ni Hontiveros ang mga pangamba na maaaring ulitin ng PIGO system ang mga negatibong epekto ng POGO sa lipunan at ekonomiya.

“Paano po sinisigurado ng PAGCOR na yung mga ill effects ng POGOs ay hindi mangyayari din sa mga PIGOs?” tanong niya.

Ayon naman sa sagot ni Fernandez, ipinatutupad ng PAGCOR ang mga responsible gaming programs, kabilang ang pakikipagtulungan sa mga non-government organizations, paggamit ng artificial intelligence (AI) upang subaybayan ang gambling addiction, at pagpapatupad ng exclusion programs para sa mga problem gamblers.

Gayunpaman, nagbabala si Hontiveros laban sa paggamit ng AI tools nang walang malinaw na regulasyon.

“Ngayon ko lang narinig yun ah, responsible gambling. Marami salamat Atty. Jessa. Ingat din lang po dun sa requiring licenses to employ AI habang wala pang yata sa iba’t ibang sektor… yung mga protocols at safeguards kaugnay ng AI para hindi siya ma-hijack,” aniya.

Muling iginiit niya ang kahalagahan ng transparency sa PIGO licensing upang maiwasan ang pananamantala sa mga regulasyon.

“Alright. Could the PAGCOR provide the committee a list of these 61 PIGO licenses?” tanong niya, na sinagot ni Fernandez ng pagsang-ayon.

Binigyang-diin ni Hontiveros na kailangang paigtingin ang pagpapatupad ng batas at tiyakin ang transparency mula sa PAGCOR upang maiwasan ang muling paglitaw ng POGO-linked crimes tulad ng human trafficking at financial fraud sa ibang pangalan.

“Salamat, General Villanueva at sa PAGCOR,” pagtatapos niya, kasabay ng pahayag na patuloy na babantayan ng Senado ang isyung ito at isusulong ang mas mahigpit na oversight mechanisms.