Pangandaman Budget Secretary Amenah Pangandaman

Pangandaman: Badyet para sa paglikya ng bagong 5K posisyon sa DepEd kasado na

111 Views

KASADO na ang badyet para sa paglikha ng higit limang libong non-teaching positions sa Department of Education o DepEd.

Ito ay matapos aprubahan ni Budget Secretary Amenah “Mina” F. Pangandaman ang kahilingan ng naturang kagawaran na lumikha ng karagdagang mga posisyon nitong fiscal year (FY) 2024.

Ayon kay Pangandaman, ang hakbanging ito ay inaasahang makapagpapagaan sa workload ng mga pampublikong guro sa buong bansa.

Binigyang-diin ni Pangandaman na ang kanyang direktibang ito ay sumasalamin sa commitment ng kasalukuyang Marcos administration na tutukan ang kabuuang kapakanan ng mga guro at mag-aaral.

Paliwanang ni Pangandaman, tinutupad lamang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang campaign promise niya na kanyang hindi pababayaan ang sektor ng mga guro.

“Our educators already have their plates full. By approving the creation of 5,000 non-teaching positions, we aim to relieve teachers of administrative tasks and allow them to focus on quality instruction. This move will significantly benefit our educators and enhance the country’s education system,” ang sambit ni Pangandaman.

Isiniwalat ni Pangandaman na ide-deploy ang 5,000 non-teaching positions sa loob ng DepEd, mga Administrative Officer (AO) II positions na may Salary Grade (SG) 11 para sa FY 2024, sa iba’t ibang School Division Office at mga paaralan sa Regions I, II, III, IV-A, IV-B, V, VI, VII, VIII, IX, X, XI at XII, CARAGA, Cordillera Administrative Region at National Capital Region (NCR).

Dagdag pa ni Pangandaman, ang kailangang pondo para sa mga filled positions mula sa nilikhang mga posisyon ay manggagaling sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund sa FY 2024 General Appropriations Act, habang ang Retirement at Life Insurance Premium ay babayaran mula sa Automatic Appropriations.

Upang maisakatuparan ang nasabing layunin, binanggit din ni Pangandaman na naglabas na ang DepEd ng DepEd Order No. 002, s. 2024 na nag-uutos ng pagtanggal ng mga gawaing administratibo mula sa workload ng mga guro, na nagbibigay-daan sa kanila na tumutok at mapakinabangan ang kanilang oras sa proseso ng pagtuturo at pagkatuto.