Pangasinan farmers, coops madadagdagan kita

Cory Martinez Mar 29, 2025
29 Views

INAASAHANG gaganda na ang kita ng mga magsasaka at mga kooperatiba sa Pangasinan dahil sa P60 milyong proyekto na Rosales Agricultural Trading Center.

Pinangunahan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang inagurasyon ng proyekto na layuning mahubog ang mga magsasaka na tumutok sa kalakalan at mabigyan ng kakayahan bilang indibidwal.

Itinayo ang pasilidad sa 8,000-square meter na loteng donasyon ni Congressman Robert Raymund Estrella.

Ang trading center na pinondohan sa pamamagitan ng Enhanced KADIWA Inclusive Food Supply Chain Program magkakaroon ng training facility na dinisenyo upang ipakita sa mga magsasaka ang mga bagong teknolohiya at turuan sila kung paano magtagumpay bilang agricultural entrepreneurs.

“Ang inisyatibang ito ay hindi lamang nagpapalakas sa ani ng mga magsasaka kundi makakalikha ng mga bagong oportunidad na pagkakitaan at mapaunlad ang paglikha ng trabaho sa buong supply chain sa Rosales at sa mga kalapit na lugar,” ani Tiu Laurel.

Sinabi pa ni Tiu Laurel na magsisilbing prototype ang trading hub sa mga kahalintulad na pasilidad na plano ng DA na itatag sa ibang lugar ng Pangasinan at pakikinabangan ng mga magsasaka at mamimili.

Tinukoy din ng kalihim ang plano na magtayo ng solar-powered cold storage facility sa tabi ng Rosales trading hub sa layuning mapahaba ang shelf life ng mga sariwang ani, partikular ang mga high-value crops.

Ibinunyag pa ni Tiu Laurel ang plano na magpatayo ng rice drying facility sa Rosales. Ang Pangasinan ang isa sa top 10 na pinagmumulan ng palay sa bansa.

Maglalagay din ng mobile soil laboratory sa Hulyo upang suriin ang kundisyon ng lupa sa buong probinsya, ayon sa kalihim.

Layon ng inisyatibong ito na madetermina ang pinakamainam na paggamit ng lupa at matukoy ang mga kinakailangang inputs upang mapahusay ang ani at mapalakas ang kita ng mga magsasaka.

Sa kabila nang pagsulpot ng commercial centers at iba pang mga negosyo, ang ekonomiya ng Rosales nananatiling nakadepende sa agrikultura.

Layunin ng Rosales Agricultural Trading Center na matugunan ang mga isyung ibinigay ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng direct market para sa kanilang mga bultong ani at maalis ang mga hindi kailangang middlemen at higit sa lahat madagdagan ang kanilang kikitain.