Calendar
Pangbo-bomba sa MSU Campus mariing kinondena ni Hataman
ISANG MALINAW na paglapastangan sa pananampalatayang Katoliko ang nangyaring pangbo-bomba sa Dimaporo Gym sa loob ng Mindanao State University (MSU) Campus noong nakaraang Linggo (December 03, 2023) habang nagdaraos ng Banal na Misa na ikinasawi ng apat na katao.
Dahil dito, mariing kinondena ni House Deputy Minority Leader at Basilan Lone Dist. Cong. Mujiv Hataman ang nangyaring pangbo-bomba sa loob ng MSU na tinawag nitong hindi makatao. Sapagkat walang makatuwirang paliwanag ang maaaring maibigay para bigyang katuwiran ang pangyayari.
Sinabi ng butihing kongresista na walang ibang salita ang maaaring gamitin patungkol sa naganap na trahedya kundi isang malinaw na terrorismo na ang pangunahing layunin ay maghasik ng kaguluhan. Ano pa bang dahilan nito kundi ang gumawa ng kaguluhan sa isang tahimik na lugar.
Kaya ang sabi ni Congressman Hataman ay walang lugar sa isang sibilisadong lipunan ang ganitong uri ng karahasan. Tama si Hataman, hindi naman “battle zone” ang MSU para maglagay duon ng pangpa-sabog ang mga taong may gawa nito. Walang kalaban-kalaban ang mga inosenteng sibilyan.
Ginagawa lamang ng mga taong naroroon ang kanilang spiritual obligations sa pamamagitan ng pagdalo sa Misa. Pero bakit naman kailangan maglagay ng bomba at pasabugin nila ang MSU? Walang kalaban-laban sa inyo ang mga taong iyon. Sana inilagay na lang ninyo sa loob ng bahay niyo ang bomba at duon niyo pinasabog! May mamatay man, kayo-kayo lang at hindi na kayo nang-damay pa!
Vargas nananawagan na magkaroon ng salary increase ang mga government professionals
NANANAWAGAN si House Assistant Majority Leader at Quezon City 5th Dist. Cong. Patrick Michael “PM” D. Vargas kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. upang magkaroon ng umento sa sahod para sa mga government professionals bilang regalo ngayong Kapaskuhan.
Sinabi ni Vargas na maituturing na isang napaka-gandang regalo ngayong panahon ng Kapaskuhan para sa mga government professionals tulad ng mga teachers at health services practitioners ang salary increase. Hindi lamang aniya ngayong Pasko kundi sa mga susunod pang taon.
Ipinaliwanag ni Vargas na ang mga public servants tulad ng mga public school teachers ang nagsisilbing haligi ng pamahalaan sa paglilingkod kaya nararapat lamang aniya na mabigyan ng pagkilala ang kanilang malaking sakripisyo at wagas na paglilingkod sa pamamagitan ng mga insentibo.
Ayon sa kongresista, hindi matatawaran ang paglilingkod na iniuukol ng mga public servants. Sapagkat isina-sakripisyo umano nila kahit ang kalahati ng kanilang buhay para lamang pagsilbihan ang mamamayan kaya nararapat lamang na masuklian ang kanilang pagse-serbisyo.
Ipinabatid pa ni Vargas na isa siya sa mga mambabatas na nagsulong ng panukalang batas sa Kamara de Representantes na naglalayong salary increase sa lahat ng government professionals kabilang na dito ang inihain nitong House Bill No. 1680 o ang Government Medical Doctors Salary Upgrading Act.