Calendar
Pangilinan ipasisiyasat umano’y pang-aabuso sa Sagip Saka
IIMBESTIGAHAN ng Senate Committee on Agriculture ang mga ulat na may ilang traders na umano’y gumagamit ng pekeng kooperatiba ng magsasaka at nire-repack na imported na bigas upang makapasok sa negotiated direct procurement sa ilalim ng Sagip Saka Law, ayon kay Sen. Francis “Kiko” Pangilinan.
Bineberipika ng tanggapan ni Pangilinan ang mga ulat ng umano’y pang-aabuso sa mga kooperatibang sertipikado ng pamahalaan sa ilalim ng Republic Act No. 11321, o Sagip Saka Act, sa pamamagitan ng Farmers and Fisherfolk Enterprise Development Information System.
Itinatag ng Sagip Saka Act ang isang programa upang palakasin ang kabuhayan at enterprise ng mga magsasaka at mangingisda at tulungan silang makakuha ng suporta ng pamahalaan, financing, merkado at pagkakataong direktang makapagbenta sa gobyerno.
Sa ilalim ng batas, maaaring direktang bumili ang mga ahensya ng pamahalaan at local government units ng produktong agrikultural at pangisdaan mula sa accredited farmers’ and fisherfolk enterprises, alinsunod sa mga umiiral na patakaran.
Nagbabala si Pangilinan na kapag napatunayan ang pang-aabuso sa sistema, ito ay paglabag sa batas at pinsala sa mga magsasaka at mangingisda.
“Kung mapatutunayang totoo ang mga ulat na ito, isa itong seryosong paglabag sa Republic Act No. 11321 at malaking inhustisya sa ating mga magsasaka at mangingisda,” ani Pangilinan.
Nakikipag-ugnayan na siya sa Department of Agriculture at iba pang kaukulang ahensya upang alamin ang buong katotohanan at panagutin ang sinumang lumabag sa batas.
Nakatakdang magsagawa ang Senate Committee on Agriculture ng pagdinig sa ganap na pagpapatupad ng Sagip Saka Law sa Hulyo 16 alinsunod sa Senate Resolution No. 9.
Isa sa mga tatalakayin sa pagdinig ang mga ulat na may ilang traders na umano’y gumagamit o bumubuo ng mga pekeng kooperatiba ng mga magsasaka upang makapasok sa negotiated direct procurement sa ilalim ng batas.
Sisiyasatin din ng komite ang mga alegasyong may imported na bigas na nire-repack at ipinapasa bilang lokal na ani sa pamamagitan ng mga transaksyon sa ilalim ng Sagip Saka.
Layunin ng pagdinig na higpitan ang mga pananggalang laban sa pang-aabuso, tiyakin ang pananagutan at pangalagaan ang tunay na layunin ng batas na unahin ang mga lehitimong organisasyon ng mga magsasaka at mangingisda.
“Habang naghahanda ang ating mga magsasaka at mangingisda sa paparating na bagyo, hindi natin sila pababayaan na tamaan ng isa pang unos: ang unos ng korapsyon.
Ang Sagip Saka Law ay para sa mga tunay na nagtatanim, umaani, at pumapalaot, hindi para sa mga nananamantala sa kanilang pawis at paghihirap,” dagdag niya.

