Taliba

Pangilinan kinuwestiyon pagpasok ng ₱86M imported na sibuyas

206 Views

KINUWESTYON ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang pagpasok ng imported onions sa bansa sa kabila ng sapat na lokal na suplay matapos inspeksyunin ng mga awtoridad ang 26 container ng abandonadong red onions na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱86 milyon sa Manila International Container Port.

Kasama ni Pangilinan ang mga opisyal ng Department of Agriculture, Bureau of Customs at Bureau of Plant Industry sa inspeksyon ng 26 twenty-foot containers ng imported red onions nitong Miyerkules.

“Habang nabubulok ang sibuyas ng ating mga magsasaka, ito namang imported onions ay nabulok din matapos maiwan at hindi ma-claim. Kung ganito ang nangyayari, kailangan nating tanungin kung bakit may pumapasok pang ganitong kalaking volume ng imported onions sa kabila ng sapat na lokal na suplay,” sabi ni Pangilinan.

Dumating ang mga shipment mula Disyembre 13, 2025 hanggang Enero 23, 2026. Kalaunan ay idineklara ang mga container bilang abandoned sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Act matapos mabigong i-claim ng mga importer ang mga produkto at bayaran ang kinakailangang duties at taxes sa itinakdang panahon.

Nabatid ng mga awtoridad na laman ng mga container ang red onions mula China na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱86 milyon.

Ayon kay Pangilinan, nagbukas ng mga tanong ang mga abandonadong shipment kung bakit patuloy na nakakapasok ang imported onions habang nahihirapan ang mga lokal na magsasaka na maibenta ang kanilang ani.

“Kung lehitimo ang shipment na ito, bakit iniwan na lamang at hindi na-claim? Bakit hindi binayaran ang kaukulang buwis at mga bayarin? Dapat masagot ito upang mapanagot ang mga nasa likod nito at maprotektahan ang ating mga magsasaka,” sabi niya.

Sinabi ng senador na ayon sa kanya, pinatitibay ng pagkakadiskubre sa mga shipment ang mga pangambang inihayag ng onion farmers sa public hearing na ipinatawag niya sa Nueva Ecija noong Marso 26, 2026 sa ilalim ng Senate Resolution No. 344.

Tinalakay sa pagdinig ang pagbagsak ng farm-gate prices ng sibuyas at ang patuloy na pagpasok ng imported onions sa kabila ng lokal na oversupply.

“Bakit tayo mag-iimport kung marami ngang supply dito sa atin? Ito ang tanong na paulit-ulit na lumabas sa ating public hearing. Ang pagpasok ng imported onions sa panahon ng oversupply ay lalo lamang nagpapabagsak sa presyo at nagpapahirap sa ating mga magsasaka,” sabi ni Pangilinan.

Sinabi ni Pangilinan, chairperson ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, na kailangang palakasin ng pamahalaan ang supply management at pagpapatupad ng batas upang maprotektahan ang mga magsasaka laban sa hindi patas na pressure sa merkado.

“Hindi dapat nabubulok ang sibuyas ng ating mga magsasaka, at hindi rin dapat nasasayang ang mga produktong pumapasok sa bansa. Ang kailangan natin ay maayos na pamamahala ng suplay, mahigpit na pagpapatupad ng batas, at mga polisiyang inuuna ang kapakanan ng ating mga magsasaka,” sabi niya.

Sinabi niya na dapat maging dahilan ang kasong ito upang repasuhin ng mga awtoridad ang timing ng importasyon, enforcement procedures at pananagutan sa mga abandonadong agricultural shipments.

Ayon kay Pangilinan, kailangan ng mas mahigpit na safeguards upang matiyak na hindi lalo pang ibabagsak ng importasyon ang farm-gate prices kapag sapat na ang lokal na suplay.