Noel Damot

Panlilinlang Sa Gitna Ng Kampanya

568 Views

KAMAKAILAN, maaaring napansin niyo ang paglaganap ng mga artikulo mula sa mainstream media gayundin sa mga post sa social media na nagpapakita ng mga larawan ng mga rally ng mga kandidato ng kakampink na sila Robredo at Pangilinan. Iisa ang tema at mensahe na gustong ipahatid ng mga artikulo at mga post na ito — na ang mga tao ay nagdadagsaan upang ipakita ang suporta para sa dalawa at tila bumaliktad na ang karamihan mula sa pagsuporta sa BBM – Sara Duterte Uniteam.

Wag po sana tayong basta magpadala at magpalinlang sa mga artikulo at mga post na ito na naglalayong isulong ang naratiba o salaysay na ang isang partikular na lungsod o munisipalidad ay sumusuporta at boboto sa mga kandidatong kakampink.

Sa totoo lang, ang bilang ng mga taong dumalo sa isang political rally sa isang lungsod o munisipalidad ay hindi akma na sukatan o pamantayan sa pagtukoy sa kagustuhan ng mga residente nito sa pagboto.

Kung susuriin, ang mga dumadalo sa mga pagtitipon o rally na ganito ay may apat na uri. Kilalanin natin ang apat na uring ito:

(1) Mga taong naninirahan sa lungsod o munisipyo kung saan ginaganap ang rally at tunay na tagasuporta ng kandidato

(2) Mga taong naninirahan sa ibang lungsod o lugar pero dumadayo upang ipakita ang kanilang suporta

(3) Mga taong hindi naman sumusuporta sa kandidato ngunit pumupunta pa rin para maaliw sa pagtatanghal ng mga bitbit na celebrity at artista o mga crowd-drawer ng kandidato

(4) Mga taong mula sa ibang mga lungsod na isinasakay sa bus at tumatanggap ng kabayaran kapalit ng pagsusuot ng pink na kamiseta at cap at upang tumayo at pumalakpak para sa kandidato – ito ang mga tinaguriang bayad o hakot crowd.

Sa apat na ito, tanging ‘yun lamang sa una at pangalawang uri o grupo ang maaasahan na bumoto o sumuporta para sa kandidato.

Para sa ikatlong uri, ang kanilang pagdalo sa rally ay nakasalalay sa entertainment o kaaliwan na inaasahan nilang matunghayan at maranasan mula sa mga artista at personalidad na bitbit ng kandidato.

Para naman sa ikaapat na uri – ang mga binayaran/hakot crowd – ang pagdalo at pagpapakita nila ng suporta ay nakasalalay sa ipinangakong kapalit mula sa kandidato at mga organizer ng rally.

Kaya nakikita natin na may common denominator para sa ikatlo at ikaapat na uri ng mga dumadalo sa rally. Ito ay dahil may nakakakuha silang bagay na kapalit ng kanilang pagdalo at pagpapakita ng suporta sa kandidato.

Tanging ang mga walang muwang sa mundo ang maniniwala na ang ikatlo o kaapat na uri ay kusang pumupunta at dumadalo sa isang political rally upang makita ang kandidato at makinig sa talumpati nito.

Ito ang dahilan kung bakit inilalabas ang mga entertainer at artista upang magtanghal sa entablado sa iba’t ibang bahagi o segment ng programa. Ito ay upang matiyak na ang ikatlong uri ng mga dadalo ay mananatili at manood ng buong programa – kabilang ang bahagi kung saan kailangan nilang pilitin ang mga sarili na makinig at pumalakpak sa kung anuman ang sasabihin ng kandidato.

Para naman sa ikaapat na uri – ang mga binayaran/hakot crowd – binibigyan sila ng “special allowance” pagkatapos ng programa upang matiyak na mananatili sila hanggang matapos ang pagtitipon. At saka, gustuhin man nilang umalis sa kalagitnaan ng programa, wala silang paraan para makabalik sa kani-kanilang mga tirahan.

Tulad ng inaasahan, itinanggi ito ng mga kinatawan o tagapagsalita ng mga kakampink. Igigiit nila na ang kanilang mga campaign rally ay dinaluhan ng mga tinatawag na mga volunteer na hindi binabayaran at hindi tumatanggap ng pera.

Itanggi man nila, hindi maipagkakaila ang katotohanan ukol dito.

Ang bayad ay may iba’t ibang uri at anyo at hindi limitado sa pera.

Hangga’t ang isang tao ay nakatanggap ng bagay na may halaga – isang pink na kamiseta at cap, masasakyan papunta sa lugar ng rally, meryenda at hapunan habang naghihintay, isang kanta o kahit ang pagpapatawa ng mga entertainer at artista na bitbit ng kandidata – siya ay tinuturing na bayad.

Alisin natin ang mga “libreng” sakay, t-shirt at cap, pagkain, pati na rin ang mga entertainer/artista at pagkatapos ay tingnan natin kung ilan ang dadalo sa mga rally ng mga kakampink.

Kapag nangyari ito, malamang ang mga dadalo na lamang ay yung mga tunay at masugid na supporter ng kandidato. Ang bilang nila ay tutugma sa mga resulta ng mga voter preference survey na isinasagawa ng mga mapagkakatiwalaang survey firm tulad ng Pulse Asia at Social Weather Station (SWS).

Sa puntong ito, mainam siguro na tanungin kung sapat ba ang bilang ng tunay at masugid na supporter ng kandidato para suportahan ang pahayag na ang isang buong lungsod o munisipyo ay iboboto ang mga kandidato nila?

Sapat nga ba ang kanilang mga bilang para patunayan ang kanilang pahayag na mas marami na ang sumusuporta sa mga kandidato nila?

Sapat nga ba ang kanilang bilang para mapangatawanan ang kanilang pahayag o maling akala na may pag-asa pang makahabol ang mga kandidato nila sa halalan sa Mayo?

Ang sagot ay hindi.

Kung susuriin natin ang mga survey nitong nakalipas na apat na buwan mula sa paghahain ng mga certificate of candidacy noong Oktubre, makikita natin na maliit lamang na bahagi ng mga rehistradong botante ang nagpapahayag ng pagkiling kay Robredo bilang susunod na pangulo ng Pilipinas. Sa katunayan, ang mga pipiliing bumoto para kay Robredo ay umaabot lamang sa 15%-16% batay sa pinakahuling survey ng SWS at Pulse Asia.

Mientras at sa kabila ng kung anu-anong issue, negatibong pangangampanya at pambabalahura na ibinabato ng mga kakampink, lumalabas sa kaparehong SWS at Pulse Asia survey na tumaas pa ang bilang ng mga nagpahayag ng pagkiling at kagustuhang iboboto si BBM na ngayon ay umaabot na sa 60% ng kabuuang bilang ng mga sumagot sa survey.

Mula nang magsimulang magsagawa ng mga survey ang SWS at Pulse Asia noong Oktubre hanggang sa kasalukuyan, makikita natin na wala naman talagang pagbabago o pagtaas sa bilang ng mga botanteng nagpapahayag ng kagustuhang iboto si Robredo. Tanging ang mga pinakamasugid na taga-suporta na lamang niya ang naniniwalang magkakaroon pa ng pagtaas ng mga boboto kay Robredo sa natitirang animnapung araw ng kampanya.

Alam na ito ng kanyang campaign team na pinamumunuan nung talunang one-term at credit -grabbing senator na si Bam Aquino. Tanggap na nilang mahina ang manok nila at ang tanging hinihintay na lamang ay ang halalan at ang pormal na pagdeklara kay BBM at kay Sara Duterte bilang Pangulo at Pangalawang Pangulo ng bansa.

Ngunit sa kabila nito, sinusubukan pa rin nilang itulak ang naratiba na lumalaki at nadadagdagan ang mga sumusuporta kay Robredo. Ito na lang marahil ang magagawa nila para sa kanilang pinakamatapat na tagasuporta. Ang linlangin ang maliit at patuloy pang lumiliit na bilang ng mga naniniwala pa kay Robredo at sa uri ng bulok na pulitika at pamamahala ni kinakatawan niya.

Dahil kung hindi, wala nang maaasahang mga tagasuporta na dadalo sa mga susunod na rally nila.