Kamara

Panukala na palawakin PSHS inaprubahan ng Kamara

Mar Rodriguez Feb 8, 2024
132 Views

INAPRUBAHAN ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagpapalawak ng saklaw at operasyon ng Philippine Science High School (PSHS) sa bansa.

Sa ilalim ng House Bill (HB) No. 9726 o ang “Expanded Philippine Science High School System Act” ay maglalagay ng tig-dalawang campus ng PSHS sa bawat rehiyon ng bansa.

Walang tumutol sa pag-apruba sa panukala sa ikatlo at huling pagbasa. Nakakuha ito ng 215 boto.

Layunin ng panukalang batas na palakasin ang PSHS bilang nangungunang paaralang pang-sekondarya sa larangan ng Science, Technology, Engineering and Mathematics (STEM) education.

“Our Philippine Science High School System (PSHS) campuses offer secondary courses with special emphasis on STEM students with high aptitude or who are gifted in science and mathematics on a free scholarship basis,” sabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez. “Through this bill, we aim to expand the number of PSHS campuses per region, making world-class education even more accessible to more deserving Filipino students across the country.”

“The bill will not just improve the management of PSHS but also accommodate more government scholars, and increase the access to quality, free and globally competitive education for the country’s science, technology and innovation manpower,” ayon kay Speaker Romualdez, ang pinuno ng Kamara na may mahigit 300-miyembro.

Ilan sa pangunahing nag-akda ng panukala sina: Reps. Carlito Marquez, Joey Sarte Salceda, Zaldy Co, Fedinand Alexander Marcos, Divina Grace Yu, at ilang pang mambabatas.

Ang panukala ay nagbibigay kapangyarihan sa PSHS Board of Trustees na bumuo ng mga patakaran, gabay, at mga panuntunan na kinakailangan upang mapanatili ang kalidad at pantay na pamantayan sa edukasyon sa lahat ng PSHS Campuses.

Sinasaad din ng panukala ang pagtatakda ng saklaw, pamantayan, lugar ng paaralan, at iba pang gabay para sa mga aplikante ng science and technology scholarship program.

Tinukoy din sa Section 18 ng HB 9726 na ang kita na nagmumula sa mga bayarin sa paaralan na kinokolekta ng mga campus ng PSHS ay isusumite at ideposito sa bangkong otorisado ng pamahalaan bilang trust fund ng PSHS System na gagamitin para sa mga pangunahing programa at aktibidad ng paaralan.