Martin2

Panukala na palawigin accreditation program sa HEI aprub sa Kamara

Mar Rodriguez Sep 19, 2023
134 Views

INAPRUBAHAN ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP) na naglalayong bigyan ng tyansa ang mga undergraduate na makakuha ng bachelor’s degree gamit ang kanilang work experience.

Sa botong 251-0 at walang abstention, inaprubahan ng Kamara ang House Bill (HB) No. 9015 sa sesyon nito ngayong araw.

“The ETEEAP refers to the alternative education program in the Philippines that allows working professionals who were either unable to finish their college education or were completely unable to advance into college for different reasons to earn a bachelor’s degree without going through the traditional schooling method,” ani Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Ayon kay Speaker Romualdez ang programa ay ipinakilala noong 1996 sa ilalim ng Executive Order (EO) 330 na pirmado ng noon ay Pangulong Fidel V. Ramos.

Sa ilalim ng ETEEAP ay palalakasin ang sistema ng academic equivalency at accreditation sa college level at maaari ng magamit ang mga natutunan ng isang senior high school graduate, post-secondary technical-vocational graduate, at college undergraduate student sa kanyang pagtatrabaho para makakuha ng kredito na kailangan upang makakuha ito ng bachelor’s degree.

Saklaw ng HB No. 9015 ang mga may limang taon o higit pang karanasan sa trabaho na nakalinya sa kurso na kanyang kinukuha.

“Institutionalization of ETEEAP give this laudable policy permanence, meaning more Filipino professionals will benefit from it in the coming years,” sabi pa ni Speaker Romualdez.

Upang makakuha ng ETEEAP dapat ay Filipino citizen, 23 taong gulang pataas, at nakapagtrabaho ng lima o higit pang taon.

Kakailanganin naman ng aplikante na magsumite ng (a) sinagutang ETEEAP Application form; (b) sertipikasyon mula sa DepEd na pumasa sa Accreditation and Equivalency Assessment; (c) employment certificate; (d) birth certificate mula sa Philippine Statistics Authority; (e) resume, curriculum vitae, or personal data sheet; (f) service record o employment certificate na pirmado ng employer; (g) job description na pirmado ng employer; at (h) transcript of records.

Ang Commission on Higher Education (CHEd) ang ahensya na mangunguna sa implementasyon ng panukala.

Ang CHEd din ang inatasan na mag-accredit ng mga kolehiyo at unibersidad na maaaring magbigay ng ETEEAP, at tiyakin na kanila itong naipatutupad ng maayos.

Inatasan din ang CHEd na magsumite ng update ng implementasyon ng programa sa Social Development Committee ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board.

Ang CHEd din ang magtatakda ng bayad para sa accreditation at mapupunta ito sa Higher Education Development Fund (HEDF), mga criteria, proseso, at documentary requirement na kailangan upang mapanatili na mataas ang kalidad ng programa at magiging matagumpay ito.