Pimentel

Panukala ni Koko ukol impeach ikokonsulta sa majority na senador

13 Views

INAMIN ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na dapat munang konsultahin niya ang majority senators kaugnay ng panukala ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na magsagawa ng all-member caucus bago simulan ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte bago pa man muling magbukas ang sesyon ng Senado.

Sa isang liham, iminungkahi ni Pimentel na maaaring ituloy na ang paglilitis kahit nasa recess pa ang Senado, sa paniniwalang hindi na dapat maantala pa ang proseso.

Gayunman, binigyang-diin ni Escudero na kailangang kumonsulta muna sa kanyang mga kasamahan bago gumawa ng anumang desisyon.

“Will consult the others if they want to and if they are available,” ani Escudero, na iginiit na mahalagang marinig ang opinyon ng nakararaming senador bago magpasya sa susunod na hakbang.

Bagamat bukas siyang talakayin ang panukala, hindi siya sang-ayon sa pahayag ni Pimentel na maaaring simulan ang paglilitis kahit wala pang pormal na pagbubukas ng sesyon.

“I, however, disagree with him that we can start trial during the recess when we are not in session by simply agreeing among ourselves to do so. This may bring our actions into question before the courts. Prudence, as they say, is the better part of valor,” paliwanag niya.

Nanindigan si Escudero na dapat sumunod ang impeachment trial sa tamang legal na proseso upang maiwasan ang anumang legal na hamon.

Dahil nakatakdang magbalik ang Senado sa Hunyo 2, muling iginiit ni Escudero na anumang mahalagang desisyon tungkol sa impeachment trial ay dapat dumaan sa masusing konsultasyon sa majority senators.