Martin3

Panukala para sa electronic voters registration, pagboto ng mga Pinoy abroad lusot na sa Kamara

138 Views

INAPRUBAHAN na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang magbibigay ng karagdagang opsyon para sa pagpaparehistro at pagboto ng mga Pilipino na nasa ibayong dagat.

Sa botong 188 na pabor at walang pagtutol, pinagtibay ng Kamara ang HB (HB) No. 10178 na nag-aamyenda sa Overseas Absentee Voting Act of 2003.

“The bill aims to make voter registration and voting easier and more accessible for Filipinos overseas so that we can ensure the efficient exercise of their constitutional right to suffrage,” ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

“The proposed legislation allows the registration, certification and transfer of registration of overseas voters by mail or by electronic means, including but not limited to web-based portals, and other internet-based technologies,” dagdag pa ng mambabatas.

Kapag naisabatas, papayagan na ang pagboto sa pamamagitan ng electric voting bilang opsyon para sa overseas voting bukod pa sa “in-person” at mail-in.

Layunin din ng HB 10178 na alisin ang approving authority ng Joint Congressional Oversight Committee bago payagan ang pagboto sa pamamagitan ng koreo sa ibayong dagat.

Sinasaklaw din ng panukala ang pagpapalawig sa mga ipinagbabawal sa ilalim ng batas, kasama na ang pagnanakaw, pagtatago, pagbabago, pagsira, manipulasyon at tampering ng electronic data at impormasyon.