Martin

Panukalang amyenda sa Agricultural Tariffication Act pasado na sa Kamara

117 Views

PASADO na sa ikatlo at huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala na titiyak na mayroong sapat na suplay ng bigas sa bansa at abot-kaya ng mga mamamayan ang presyo nito.

Sa botong 231 pabor, tatlong tutol at isang abstention, inaprubahan ng Kamara ang House Bill (HB) No. 10381 na may titulong “An Act Further Amending Republic Act (RA) No. 8178, as Amended, Otherwise Known as the Agricultural Tariffication Act.”

Pinuri ni Speaker Romualdez ang pag-apruba sa panukala na isa umano sa mga hakbang na kailangan upang matulungan ang mga ordinaryong Pilipino.

“By strengthening buffer stocking capabilities and enabling market interventions, we are working towards a future where no family has to worry about the cost of this staple food,” ani Romualdez.

“Affordable rice prices are not just an economic issue but a matter of social equity,” sabi pa ng lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan. “With the passage of this bill, we reaffirm our commitment to making quality rice accessible to all Filipinos, regardless of economic status.”

Sinabi ni Speaker Romualdez na ang pag-apruba sa panukala ay patunay sa kolaborasyon ng mga miyembro ng Kamara na nais na matugunan ang mga isyung kinakaharap ng mga Pilipino.

“I commend my colleagues in the House for their unwavering support in passing this crucial legislation,” sabi ng lider ng Kamara.

“Following the passage of this measure, we are providing the government with the tools necessary to effectively manage rice prices and safeguard the welfare of our farmers and consumers.”

Sa ilalim ng HB 10381 ay aamyendahan ang RA 8178 na inamyendahan ng RA 11203 na mas kilala bilang Rice Tariffication Act.

Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng kapangyarihan ang Bureau of Plant Industry na bantayan ang mga grain warehouse upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa mga pamantayan para mapanatiling mataas ang kalidad ng bigas na kanilang iniimbak.

Ang National Food Authority (NFA) ay inatasan na bumili ng bigas mula sa mga lokal na magsasaka upang ipunin ang buffer stock na magagamit kapag emergency.

Ang NFA ay pinapayagan na magbenta ng bigas sa publiko sa panahon ng emergency gaya kung mayroong sunod-sunod na pagtaas o malaking biglaang pagtaas ng presyo at kung mayroong kakapusan sa suplay.

Ang implementasyon ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), na kasama sa RA 11203, ay palalawigin ng anim pang taon, ayon sa HB 10381. Itinataas din sa P15 bilyon ang P10 bilyong pondo na inilalaan para matulungan ang mga magsasaka.

Itinayo rin ang Rice Industry Development Program Management Office na siyang magbabantay sa implementasyon ng mga rice program ng gobyerno.

Ang Pangulo, batay sa rekomendasyon ng kalihim ng DA ay maaaring magre-allocate ng P15 bilyong Rice Fund at sobrang nakolektang buwis sa mga core program kung kakailanganin.