Dy

Panukalang batas inihain ni Cong. Inno dy para huwag ng gawing trash can ng mga plastic waste ang pilipinas

Mar Rodriguez Nov 15, 2022
139 Views

Mambabatas nais tuldukan paglagay ng plastic waste sa PH

UPANG tuluyang hindi maging tapunan ng mga basurang plastic ang Pilipinas. Isinulong ngayon ng isang Central Luzon congressman ang isang panukalang sa Kamara de Representantes para tuluyan ng ipagbawal ang importasyon o pagdadala ng mga “plastic waste” sa bansa.

Binigyang diin ni Isabela 6th Dist. Cong. Faustino “Inno” A. Dy V na mistulang ginagawang isang malaking “trash can” o basurahan ng mga plastic waste ang Pilipinas na magmumula pa sa iba’t-ibang panig ng bansa sa pagtatangka nila na dito itapon ang kanilang isang tambak na basura.

Inihalimbawa ni Dy ang isang insidente noong taong 2013 hanggang 2014. Kung saan, isang dayuhang kompanya ang nagdala dito sa Pilipinas ng tinatayang 100 shipping containers na sinasabi nilang naglalaman umano ng mga “recyclable materials.

Subalit sinabi ni Dy na natuklasan mismo ng pamahalaan na taliwas sa naging pahayag ng nasabing kompanya. Ang 100 containers na dumating dito sa Pilipinas ay naglalaman pala ng tinatayang 2,500 tonelada ng basura na ang karamihan ay mga unrecyclable plastic wastes.

Dahil dito, iginiit ni Dy na harap-harapan at garapalang ginagawang tambakan ng basura ng ibang bansa ang Pilipinas. Kung saan, ang nabanggit na insidente ay hindi lamang ang una at huli. Sapagkat nasundan pa ito ng isa pang pangyayari noong taong 2018.

Ayon sa kongresista, dumating din sa bansa noong 2018 ang humigit kumulang sa 11,800 tonelada ng imported plastic waste. Habang nagbaba naman ng direktiba noong 2019 ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) para i-ban sa loob ng tatlong buwan ang pagdadala sa bansa ng mga imported plastic wastes.

Gayunman, ipinaliwanag ni Dy na upang tuluyan ng matuldukan o matapos ang nasabing problema. Inihain na nito sa Kongreso ang House Bill No. 1206 na tuluyan ng nababawal sa anumang bansa na dito sa Pilipinas nila dalhin ang kanilang mga imported plastic wastes.

Sinabi pa ng mambabatas na mistulang hindi na nire-respeto ng ibang bansa ang Pilipinas dahil sa kanilang malaking akala na dito nila maaaring itapon ang kanilang isang tambak na basura. Gayong ang bansa mismo ay namo-mroblema kung paano nito itatapon ang sarili nitong basura.