Calendar
Panukalang batas na magmo-monitor sa guardians ng mga anak ng mga OFWs dito sa bansa isinulong ng OFW Party List
NAIS ng OFW Party List Group sa Kamara de Representantes na ma-protektahan at mapangalagaan ang kapakanan ng mga anak ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na naiwan dito sa Pilipinas habang sila’y nagta-trabaho sa abroad sa pamamagitan ng pagpapa-rehistro at pagmo-monitor sa guardians o mangangalaga sa mga nasabing bata.
Bagama’t wala pang pamagat at numero ang panukalang batas na nakatakdang ihain ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino sa pagbubukas ng 2nd Regular Session ng Kamara de Representantes sa Hulyo, sinabi naman nito na ang isusulong niyang House Bill ay natalakay sa pakikipagpulong nito kay Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Susan “Toots” Ople.
Nabatid kay Magsino na ang pagsusulong niya ng naturang panukalang batas ay alinsunod narin sa mga natatanggap nilang report kaugnay sa nagaganap na pang-aabuso, pagmamaltrato at kaapihan ng mga anak ng mga OFWs na iniwan sa isang guardian subalit hindi naman talaga nila naaalagaan.
Ipinaliwanag ni Magsino na sa halip na alagaang mabuti ng mga guardians ang anak ng mga OFWs na ipinagkatiwala sa kanila ay dumaranas pa ang mga bata ng sobrang kaapihan at pang-aabuso sa kamay nila na lingid naman sa kaalaman ng mga magulang ng mga bata na nagta-trabaho sa ibayong dagat.
Dahil dito, binigyang diin ng OFW Party List Lady solon na layunin ng kaniyang isusulong na panukalang batas na magkaroon ng monitoring sa mga guardians na nangangalaga sa mga anak ngm mga OFWs. Ang monitoring aniya ay pangangasiwaan mismo ng pamahalaan.
“We want a mechanism in place wherein government can check the welfare of the children periodically to ensure they are being treated properly by the guardians especially when both parents are OFWs,” ayon kay Magsino.