Calendar
Panukalang batas na magpapatatag sa imahe ng PH bilang investment destination aprubado na ng Senado
INAPRUBAHAN ng Senado sa final reading ang ilang panukalang batas na naglalayong patatagin ang imahe ng bansa bilang investment destination at makalikha ng trabaho sa nalalabing tatlong araw ng sesyon bago ang Christmas break.
Kasama sa mga naipasa ang mga panukalang batas na naglalayong protektahan ang mga seascape at landscape sa buong bansa.
Mag-a-adjourn ang Senado sa Disyembre 18, 2024 para sa holiday break at magbabalik sa Enero 13, 2025.
Isa sa mga naipasa ang Senate Bill No. (SBN) 2898 na inakda ni Senate President Francis “Chiz” G. Escudero o ang Act Liberalizing the Lease of Private Lands by Foreign Investors.
Layunin nito na palawigin ang limitasyon sa pag-upa ng mga dayuhang mamumuhunan mula 75 taon patungo sa 99 taon upang mahikayat ang maraming dayuhang pamumuhunan.
Pinapayagan din ng SBN 2898 ang mga dayuhang mamumuhunan na sublet ang mga ari-arian maliban na lamang kung ipinagbabawal ng kontrata.
Layunin ng panukalang ito na amyendahan ang 31-taong Investors’ Lease Act na kasalukuyang nagbibigay ng pag-upa sa mga dayuhang mamumuhunan sa loob ng 50 taon na maaaring i-renew nang hindi lalagpas sa 25 taon.
Pahihintulutan ng panukala ang mga dayuhang mamumuhunan na umupa ng lupa para sa agrikultura, agroforestry at sa konserbasyon ng ekolohiya.
Inaprubahan rin ang SBN 2878 na naglalayong i-reorganisa ang National Economic and Development Authority (NEDA) upang maging Department of Economy, Planning and Development (DEPDev).
Pinangunahan ni Sen. Juan Miguel “Migz” F. Zubiri, chairperson ng Committee on Economic Affairs, ang deliberasyon sa panukalang ito na naglalayong gawing pangunahing ahensya ng pamahalaan ang DEPDev para sa policy, planning, koordinasyon at monitoring ng pang-ekonomiyang pag-unlad.
Aprubado rin ng Senado ang SBN 2799 o ang Metro Bataan Development Authority Act para sa holistic na pag-unlad ng lalawigan sa pamamagitan ng paglikha ng Metro Bataan Development Authority (MBDA).
Ipinasa rin ng Senado sa ikatlong pagbasa ang SBN 2575 na naglalayong tiyakin ang pagsasanib ng basic education at early childhood care and development upang mabigyan ng maayos na pundasyon ang kabataan.
Aprubado rin ng Senado ang SBN 1273 o ang Muslim Filipinos, Indigenous Peoples and Other Denominations Access to Public Cemeteries Act na inihain ni Sen. Robinhood Padilla.
Ayon sa panukala, kailangang maglaan ng espasyo sa mga pampublikong sementeryo para sa mga Muslim, katutubong mamamayan at iba pang denominasyon.
Kung kulang ang espasyo, maaaring bumili ng lupa ang lokal na pamahalaan upang matugunan ang pangangailangan.
Kasama rin sa mga inaprubahan ang mga panukalang naglalayong protektahan ang seascape at landscape sa Leyte, Ilocos Norte, Quezon Province, Nueva Vizcaya, Lanao del Norte, Zamboanga del Norte, Albay, Tarlac at Aurora.
Inaprubahan rin ng Senado sa ikatlong pagbasa ang SBN 2872 o ang Act Declaring the Sixteenth Day of May of Every Year a Special Working Holiday na tatawaging “National Education Support Personnel Day.”