Calendar
Panukalang batas ni Tulfo, 4 na iba pa poprotektahan seniors, PWDs vs scammers
ISANG panukalang batas na layong protektahan ang mga senior citizen at persons with disability (PWD) sa panloloko o scam ng ilang indibidwal at mga sindikato ang ihahain ni ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo kasama sina ACT-CIS Rep. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo, Benguet Rep. Eric Yap at Quezon City 2nd Dist. Ralph Tulfo sa Kamara ngayong araw.
Ayon kay Cong. Tulfo, “ilang reklamo na kasi ang natatanggap ng aking tanggapan ukol dito sa panggogoyo sa mga senior citizens ng ilang walang pusong indibidwal”.
“Sa kanilang pension o konting ipon lang umaasa ang mga senior tapos gagatasan o nanakawin pa ng mga manggagantso”, ayon kay Tulfo.
Aniya, “sinama na rin namin yung mga PWD na kapag ginoyo mo ay kulong ang aabutin mo”.
“Kahit piso pa yan, makukulong ka pag-iniscam mo yung kaawa-awang senior o PWD…dahil wala kang puso,” dagdag ni Tulfo.
Pagkabilanggo ng tatlong buwan hanggang anim na taon o higit pa depende sa laki ng halaga na natangay sa senior o PWD lalo’t naubos ang ipon o pension nito dahil sa scam ng indibidwal o sindikato.
Ani Tulfo na Deputy Majority Leader din ng House, “ masyado kasing bulnerable ang mga senior citizen at mga may kapansanan sa mga panloloko ng ilan dahil na rin sa kahinaan dala ng kanilang edad o kapansanan”.
“We need to protect our elders and PWDs sa panahon ngayong usong-uso ang mga scam”, anang mambabatas.