Martin3

Panukalang batas para sa early voting ng mga senior citizens aprubado na sa Kongreso

Mar Rodriguez May 8, 2023
128 Views

SA pamamagitan ng botong 259 na pabor at walang pagtutol o nag-abstain. Inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang House Bill 7576 o “early voting” o maagang pagboto ng mga kwalipikadong senior citizens, persons with disabilities o PWDs, mga abogado at health care workers sa “national at local elections.”

Ikinalugod naman ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez ang pagpapatibay dito ng Kamara, lalo’t inaasahang magbebenepisyo rito ang sektor ng mga nakatatanda at PWDs at mga manggagawang nagkakaloob ng natatanging serbisyo sa mga Pilipino.

Kapag naging ganap batas ang House Bill ang mga botante sa nabanggit na sektor ay kailangang magpatala sa “nationwide registration” ng Commission on Elections o Comelec kung nais nilang makaboto ng mas maaga.

Ang mga kwalipikadong botante ay maaaring bumoto ng 7-araw, bago ang itinakdang eleksyon.

Ang mga senior citizen, PWDs, mga abogado at human resources for health na bigong makapagpa-rehistro sa early voting ay uubrang bumoto sa Election day.

Nakasaad sa House Bill na layon ng early voting na bigyang-konsiderasyon ang kalusugan at kondisyon ng mga lolo at lola at PWDs, na nagnanais na makibahagi sa proseso ng halalan.

At ang konsiderasyon na ito ay target ding ipagkaloob sa mga abogado at health care workers, na mayroong mahalagang papel sa lipunan at karaniwang nadedeploy sa panahon ng eleksyon.