Loren

Panukalang batas para sa Magna Carta para sa DRRM workers inihain

12 Views

NAGHAIN si Senador Loren Legarda ng panukalang batas na naglalayong magkaroon ng Magna Carta para sa Public Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) workers.

Ayon kay Legarda, ang Senate Bill No. 2927 ay dapat ipasa dahil ito ay isang uri ng pagkilala sa mga trabaho ng DRRM workers sa Pilipinas, na tinaguriang pinakamapanganib na bansa sa mundo ayon sa World Risk Index.

“Humaharap ang bansa sa mga kalamidad nang higit kumpara sa ibang bansa sa mundo gaya ng lindol, pagputok ng bulkan, pati na ang iba pang natural at human induced hazards,” wika ng senadora, na isang UNDRR Global Champion for Resilience.

“Sa pagpasa ng panukalang ito, gusto nating kilalanin ng pamahalaan ang kontribusyon ng mga DRRM worker na palagiang nagliligtas sa milyon-milyon mula sa tiyak na kapahamakan,” dagdag niya.

Hangad ng panukalang batas na magkaroon ng konkretong mga plano upang pangalagaan ang mga DRRM worker sa pag-angat sa trabaho, pati na ang psychosocial care upang mas maayos nilang magampanan ang kanilang mga tungkulin.

Magkakaroon din ng mga probisyon upang makapaglaan ng hazard pay, mandatory insurance coverage, pati na ng overtime pay, night differential pension, at iba pa.

“Upang maging ‘disaster resilient,’ dapat magkaroon tayo ng kapabilidad na tugunan ang lahat ng aspekto ng disaster risk management, kabilang ang pangangalaga sa DRRM workers,” giit ni Legarda.

“Habang mas pinabubuti natin ang ating pagiging handa laban sa lakas ng Inang Kalikasan, umaasa tayo na ang pagpasa ng panukalang batas na ito bilang isang batas ay makatutulong din na magbigay-inspirasyon sa marami upang manatili sa marangal na trabahong ito.”

Si Legarda ay co-sponsor ng Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010, at principal author ng PAGASA Modernization Act of 2015, na nakatutulong sa paghahanda ng bansa laban sa mga bagyo.