Calendar
Panukalang batas vs game fixing aprubado ng House
INAPRUBAHAN na ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na inihain ng 1-PACMAN Party List Group na naglalayong patawan ng mabigat na kaparusahan ang sinomang indibiduwal, grupo o sindikato na sangkot sa game fixing sa Philippine Sports.
Inihayag ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na sa pamamagitan ng “majority vote”. Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 4513 na isinulong ni 1-PACMAN Party List Cong. Michael “Mikee” L. Romero matapos itong makakuha ng 249 votes.
Layunin ng panukalang batas ni Romero na lalo pang mapalawakin ang element ng “game fixing” sa Philippine Sports sa pamamagitan ng pagpapataw ng mabigat na kaparusahan laban sa sinomang indibiduwal at grupo na pasimuno ng nasabing modus-operandi.
Nauna nang sinabi ni Romero na malakas ang mga alingas-ngas sa Philippine Sports na mayroong nagaganap na “game fixing” sa iba’t-ibang sports events. Partikular na sa amateur, collegiate at professional basketball. Kabilang na dito ang larangan ng boxing at horse racing.
Dahil dito, nais ni Romero na tuluyan ng sawatain ang “game fixing” na dumudungis aniya sa imahe ng Philippine sports sa pamamagitan ng pagpapa-igting at pagkakaroon ng mabigat na kaparusahan laban sa mga taong sangkot dito at ginagawang sugal ang palakasan o sports.
Nabatid sa kongresista nakakatanggap siya ng ilang impormasyon kaugnay sa talamak na game fixing sa Philippine Sports. Kung saan, ang isang manlalaro o atleta ang pinupuntirya kapag hindi nito sinunod ang napagkasunduan batay sa konsepto ng “game fixing”.
“This proposed measure seeks to expand the elements constituting the crime of game fixing and prescribe stiffer penalties to arrest the widespread illicit practice and by so doing, to promote the true spirit of sportsmanship,” paliwanag ni Romero.
Binigyang diin pa ni Romero na bunsod ng maling kalakaran ng gane fixing sa Philippine Sports. Hindi aniya nagkakaroon ng tinatawag na “fair play” sa mga sports events dahil sa panghihimasok ng mga grupo na nais maging paborable sa kanila ang resulta ng isang laro.
“Despite circumstances that would point to game fixing as a reality in sports. Legislation has yet to deal severely with reprehensible act which most definitely affects adversely the competitive spirit of Filipino sports. In this regard, this bill seeks to expand the elements and act constituting the crime of game fixing and prescribe stiffer penalties,” dagdag pa ni Romero.