Calendar
Panukalang batas vs lasing na driver sinuportahan
SINUPORTAHAN ng chairman ng House Committee Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano ang panukalang batas na naglalayong patawan ng mas mabigat na kaparusahan ang mga abusadong drivers na nagmamaneho ng lasing.
Binigyang diin ni Valeriano na noon pa man ay matagal na siyang naninindigan para patawan ng mas mabigat na kaparusahan ang mga abusadong drivers na walang habas na nagmamaneho kahit sila ay lango sa alak.
Dahil dito, iminumungkahi ni Valeriano na marahil ay wala ng mas bibigat pa sa parusang huwag ng pahintulutang mag-maneho o kanselasyon ng kanilang lisensiya ang sinomang driver na mapapatunayan ng Land Transportation Office (LTO) na lasing habang sila ay nagma-maneho.
Bagama’t sinusuportahan ni Valeriano ang panukalang batas ni Sen. Raffy Tulfo iginitt ng kongresista na napakaraming umiiral na batas para papanagutin ang isang driver na lasing.
Puwedeng makulong ang driver kapag siya ay naka-aksidente.
Gayunman, ang pagdidiin ng mambabatas sadyang napakaraming driver ang matitigas ang ulo at sobrang pasaway. Kahit alam na nilang bawal magmaneho ng lasing ay patuloy pa rin nila itong ginagawa kahit makulong pa ang ilan sa kanila.
Sinabi ni Valeriano na ang kanselasyon ng kanilang lisensiya o lifetime ban sa pagmamaneho ang nakikita nitong mabisang paraan at kaparusahan para mahinto ang mga nagmamaneho ng lasing. Kabilang na aniya dito ang mga lasing na drivers na nasasangkot sa road rage.
“We’ve always stood on penalizing the drunk or road rage prone drivers. We consider them unfit to drive. Pinakamabigat na parusa laban sa kanila ay ang hatol na tanggalan sila ng lisensiya at huwag ng payagang mag-drive. Ito ang nakikita nating solusyon sa problemang ito,” ayon kay Valeriano.