Martin

Panukalang bigyan ng digital access mga Muslim-Filipino sa Shari’a courts aprub sa Kamara

Mar Rodriguez Sep 19, 2023
134 Views

PASADO na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara de Representantes ang panukala na magbibigay sa mga Muslim-Filipino ng digital access sa mga Shari’a court sa pamamagitan ng pag-amyenda sa ilang probisyon ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) Act of 2009 (Republic Act 9997).

Ang House Bill (HB) 9045 o ang An Act Providing Muslim Filipinos better access to Shari’a courts ay nakatanggap ng 251 pabor na boto at walang tumutol sa pagpasa nito.

Ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang NCMF ay inaatasan ng panukala na makipag-ugnayan sa Department of Information and Communications Technology at Supreme Court para sa digital transformation ng mga court services ng Muslim tribunals.

Layunin umano ng panukala na payagan ang paperless filing ng mga dokumento sa pamamagitan ng digital platform gaya ng marriage certificate, birth certificate, death certificate, at mga katulad nito.

Sa ilalim ng panukala ay papayagan din ang Muslim agency na pumasok sa Public-Private Partnerships para maiproseso ang mga ihahaing dokumento subalit dapat umanong tiyakin na mapapangalagaan ang pagiging pribado ng mga ito.

Ang Legal Affairs Bureau ng ahensya ay inaatasan naman na magbigay ng legal education sa mga Muslim-Filipino, tumulong sa mga kasong kakaharapin ng Komisyon at mag-imbestiga ng mga tauhan nito at magsumite ng mga rekomendasyon.

Ang Bureau of Legal Affairs ng NCMF ay inatasan din na mabibigyan ng “equitable access” ang mga Muslim Filipino sa Shari’a Courts at tulungan ang mga ito lalo na sa mga lugar na wala pang Shari’a Court.

Tutulungan din nito ang Philippine Statistics Authority sa pagsasagawa ng census upang matukoy ang aktwal na populasyon ng Muslim-Filipino sa bansa.

“The PSA and the Commission shall coordinate on the collection of statistical data for Muslim Filipinos in the national, regional, provincial, city, and municipal levels. The annual report shall include the latest census of population of Muslim-Filipinos, Muslim births, marriages, and deaths for the year,” sabi sa HB 9045.

Isang mekanismo rin ang lilikhain upang maging mabilis ang koordinasyon ng Shari’a Circuit at District Court sa Korte Suprema kasama rito ang Presidential Decree 1083, o ang “Code on Muslim Personal Laws of the Philippines.”

Ang mga pangunahing may-akda ng panukala ay sina House Majority Leader Manuel Jose Dalipe (Zamboanga City), Reps. Mujiv Hataman (Basilan), Wilter Palma (Zamboanga-Sibugay), Munir Arbison Jr. (Sulu), Bai Dimple Mastura (Maguindanal del Norte).

Reps. Mohamad Khalid Dimaporo at kapatid nitong si Aminah (kapwa kinatawan ng Lanao del Norte), Princess Rihan Sakaluran (Sultan Kudarat), Zia Alonto Adiong (Lanao del Sur).

Reps. Ysser Alonto Balindong (Lanao del Sur), Dimszar Sali (Tawi-Tawi), Datu Mohaman “Tong” Paglas (Maguindanao del Sur), Loreto Acharon (General Santos City) at JC Abalos (4Ps party-list).