ACT-CIS

Panukalang i-repeal ang Oil Deregulation Law, inihain ng ACT-CIS party-list lawmakers

132 Views

NAGHAIN nitong Martes si House Deputy Majority Leader Erwin T. Tulfo, kanyang mga kasamahan mula sa ACT-CIS partylist at iba pang mambabatas, ng isang panukala upang i-repeal ang Republic Act no. 8479 o The Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1997, na mas kilala bilang Oil Deregulation Law upang tugunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa apat-pahinang House Bill No. 8898 na nilagdaan ni Tulfo, at kanyang mga colleagues mula sa ACT-CIS partylist na sina Reps. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo, at Benguet Rep. Eric Yap, ipinakilala nila ang “Act Establishing the Budget ng Bayan Para sa Murang Petrolyo” (BBMP), para i- repeal ang Oil Deregulation Law.

Ang BBMP ay naka- pattern sa Oil Price Stabilization fund noong 70s.

Sa kanyang privilege speech sa House of Representatives kahapon, tinuligsa rin ni Rep. Tulfo ang umiiral na batas at tinawag na useless o walang pakinabang.

“Nalinlang po ang taumbayan o na-onse sa pagpasa ng batas na ito dahil paniwala tayo noon na magpapababaan ng presyo ang mga kumpanya ng langis kapag hindi na raw hawak o kontrolado ng gobyerno ang pagpapresyo sa produkto ng petrolyo,” ani Rep. Tulfo.

“Isa po itong kahibangan dahil sa halip na magpababaan ng presyo ngayon, nag-uusap-usap po ang malalaking kumpanya ng langis kung gaano kalaki at magkano ang itataas nila Linggu-Linggo,” dagdag pa niya.

Sa explanatory note ng House Bill, sinabi ng mga mambabatas na ang umiiral na Oil Deregulation Law ay idinisenyo upang isulong ang kumpetisyon, transparency, at affordability sa local oil market.

“However, the complexity of global oil dynamics, the vulnerability of consumers to price fluctuations, and the necessity of ensuring energy security warrant a critical review of the current regulatory framework,” nakasaad pa sa panukala.

Sinabi ni Tulfo na layunin ng panukala na i-repeal ang Oil Deregulation Law upang maitatag muli ang government price control sa fuel pump prices at matugunan ang negatibong impact ng madalas at biglaang pagpapalit ng presyo ng fuel sa mga consumers.

Bilang karagdagan, layunin rin ng panukalang batas na itatag ang BBMP (Budget ng Bayan para sa Murang Petrolyo), na pangangasiwaan ng Office of the President, upang makatulong sa pagpapanatili at pag-stabilize ng oil prices sa tuwing makakayanan at panaigin ang rasonableng retail o pump price level.

“By restoring government oversight, the bill seeks to protect ordinary Filipinos’ interests through addressing concerns on transparency and anti-competitiveness practices by fostering a fair market environment through government control,” nakasaad pa sa panukala.

Dagdag pa nito, “The proposed repeal emphasizes robust consumer protection measures and regulatory oversight to intervene in case of unjustified price hikes.”