Calendar
Panukalang isulong PH sa digital age pasado sa Senado
UPANG makasabay ang bansa sa pandaigdigan digital na ikot ng mundo, inaprubahan ng Senado sa pangatlo at panghuling pagdinig kamakailan ang E-Governance Act, isang panukalang batas na isinulong ni Senador Alan Peter Cayetano upang bigyang daan ang pag-unlad ng mga Pilipino sa gitna ng patuloy na pag-usbong ng makabagong teknolohiya.
Nakatanggap ng malawak na suporta ang panukalang batas, kung saan 21 senador ang bumoto pabor, walang tumutol, at walang nag-abstain sa plenary session nitong January 27, 2025.
Layunin ng E-Governance Act (Senate Bill No. 2781) na paghusayin ang mga operasyon ng pamahalaan, i-streamline ang serbisyo publiko, at palakasin ang pananagutan — lahat para sa kapakinabangan ng mga Pilipino at mga negosyo sa buong bansa.
Bilang chairman ng Senate Committee on Science and Technology at sponsor ng panukalang batas, binigyang diin ni Cayetano ang malaking pangangailangan ng bansa na magtayo ng mga imprastrakturang magpapalakas sa potensyal ng e-governance.
“Only God knows the limitation of E-governance in the digital age. Halos unlimited ang opportunities dito. Think of it, and it can be done,” wika ng senador.
Binigyang diin din niya ang kahalagahan ng pagbuo ng digital infrastructure na aniya’y kasing halaga ng mga pisikal na imprastraktura tulad ng mga highway at tulay.
“Kung hindi ibi-build ang structures sa digital age, hindi mo makukuha ang benefits nito,” wika niya.
Ayon kay Cayetano, mahalaga ding isaalang-alang, kasabay ng pagpasa ng E-Governance Act, ang iba pang mga panukala tulad ng Konektadong Pinoy Act (Senate Bill No. 2699) at mga hakbang sa cybersecurity upang mapangalagaan ang mga Pilipino mula sa online scam at iba pang uri ng panloloko.
“E-Governance is not per se the solution to all of our problems, but it is a tool that, if used effectively and assigned properly to various agencies, can address many of our challenges today,” wika ng senador.