Louis Biraogo

Papalpak ang bahay-bahay na kampanya ni Robredo

976 Views

NAGSIMULA ang kampanya ni Leni Robredo, kandidato sa pagkapangulo sa darating na halalan ngayong taong 2022, sa pamamagitan ng pagpaulan ng maaanghang na pagbabatikos sa nangungunang kalaban, si dating Senador Bong Bong Marcos (BBM). Tinawag ni Robredo at ng mga ka-alyado nito, si (BBM) na sinungaling, duwag, tamad, anak ng diktador, hindi nagtapos sa kolehiyo, walang napatunayan, at ibang pang panglalait at pagmamaliit.

Sinundan kaagad ang paninira ng mga protesta laban sa kwalipikasyon ni BBM na sinampa sa Commission on Elections (Comelec) at sa Korte Suprema. Nabigo ang hangaring matanggalan ng karapatan si BBM na lumahok sa darating na halalan ng ibinaba ang kapasyahan ng Unang Dibisyon ng Comelec. Binasura ng Comelec ang mga protesta laban kay BBM. Ngunit, kahit may nalalabi pang pamamaraang ligal, hindi na umaasa ang kampo ni Robredo na magtagumpay pa sa larangang ito.

Nakita natin sa panahong ito na nananaig si BBM sa mga ginawang pananaliksik sa pulso ng botante (voters’ preference survey). At, hindi nagpatinag sa mga pananaliksik sa pulso ng mga botante si BBM sa halip ng mga ginagawang kampanyang paninira (negative campaigning) ni Robredo. Wala din naging epekto ang ginawang mga protestang ligal laban kay BBM sa naging antas niya sa mga pananliksik. Nananatiling numero uno si BBM.

Kaya, kumambiyo ang kampanya ng kampo ni Robredo at gumawa ito ng mga pagtitipon-tipong pampulitika sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. At ipinapakita nila sa midya at panglipunang midya na dinudumog ang pagtitipon ng napakaraming kalahok. Ngunit, nabisto naman ito ni Kong. Boying Remulla, kongresista ng lalawigan ng Kabite, na ang gayong pagtitipon-tipon ay gumamit ng mga bayaran at hinakot na mga kalahok. Nabisto din na ang pinapakita sa midya at panlipunang midya (social media) ay ginamitan ng pandaraya ng mga graphics artists, mga dalubhasa sa pagmanipula ng nilalaman ng midya. Ang sabi ng may alam sa pamamaraang ito, niretoke ang mga litrato at bidyo upang madagdagan ang makikitang lumahok sa pagtitipon-tipon.

Ngunit, bigo pa rin ang ginawang pagkambiyo ng taktika ng kampo ni Robredo dahil hindi umangat ang antas nito sa mga pananaliksik sa pulso ng mga botante. Napako si Robredo sa pangalawang antas, hanggang 15% lang, humigit o kumulang, ang pumipili sa kanya sa mga ginawang pananaliksik.

Sa puntong ito, naging desperado na ang pangangampaniya ni Robredo. Kaya, kahit taliwas sa binibitawang adhikain na makabago at ma-prinsipyong pamumulitika, nakipag-alyansa na rin kay dating Tagapagsalita ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas (House Speaker) Pantaleon Alvarez, isang makaluma (traditional) na pulitikong kinasusuklaman ng mga tagasunod ni Robredo. May nabalita nga na nagbigay ang kampo ni Robredo ng P800M kay Alvarez upang lumipat ito ng kampo.

Desperadong-desperado na ang pangangampaniya ni Robredo dahil kamakailan ay isiniwalat nila na magbahay-bahay na sila.

Ang pagbabahay-bahay ay hindi mabisang uri ng pangangampanya kung gabundok ang dami ng botante na kailangan palilipatin – galing sa kampo ni BBM papunta sa kampo ni Robredo.

Napakalaking hamon nga ng pagbabahay-bahay na kampanya na gagawin ng kampo ni Robredo dahil sa isa pang bagay na nagpapahirap dito – oras o panahon.

Hindi lamang napakalaking hamon ang gabundok na dami ng botante na papalipatin ng kampo, kundi dapat gawin ito sa loob lamang ng isa at kalahating buwan.

Unang problemang nakikita ko ay ang paghahanap ng mga magbabahay-bahay. Ang ganitong gawain ay nangangailangan ng mga magagaling at kaayayang mga magbabahay-bahay. Karamihan ng mga ganitong mga talentadong Pilipino ay malamang may mga trabaho na rin, kaya hindi sila mapapakilos sa oras na kinakailangan.

Bakit hindi na lang atasan ang mga masugid na pinklawan na magbabahay-bahay? Naku, malaking problema yan. Kahit na sila’y may oras o panahon para dito dahil karamihan sa kanila ay nakaka-angat sa buhay, at kahit na sila’y handang-handa para sumugod sa mga kabahayan, ang mapang-lait, mapang-maliit, mapang-husga, at pala-away nilang mga ugali ay tiyak tutulak sa mga botante papalayo sa kinakampanya nilang kandidato. Kung gayon, lalong lalala ang kalagayan ng pangangampanya ni Robredo.

Sa tingin ko ang pagbabahay-bahay na kampanya na lang ang nalalabing taktika na susubukan ng pinklawan. Ngunit, sa aking pagtatasa, papalpak ang pinklawan at si Robredo sa ganitong taktika.

Hindi na ito tataas pa sa 15% sa mga ginagawang pananaliksik sa pulso ng mga botante. Hindi na nga mananalo pa si Robredo sa darating na halalan.