DOT Si DOT Secretary Christina Garcia Frasco (gitna) sa 2024 national congress ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas (LMBP) sa SMX Convention Center sa Pasay City kasama ang ilan sa mga dumalo sa event.

Papel ng mga grassroots leaders sa pagpapaunlad ng turismo idiniin ni Frasco

Jon-jon Reyes Sep 2, 2024
121 Views

PANAUHING pandangal si Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia Frasco sa 2024 national congress ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas (LMBP) sa SMX Convention Center sa Pasay City kamakailan.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Secretary Frasco ang mahalagang papel ng mga grassroots leaders sa pagpapaunlad ng turismo ng Pilipinas.

Ibinahagi rin ng DOT secretary ang kanyang mga karanasan bilang dating alkalde ng Liloan, Cebu at sinabing ginagabayan ng lokal na pananaw ang pamumuno niya sa DOT.

“In my work as secretary of the Department of Tourism, dinala ko po yung local na perspective sa national government kung saan pinakikinggan natin ‘yong pangangailangan ng ating mga kababayan sa ating mga komunidad sa lahat ng sulok sa Pilipinas,” ayon sa kalihim.

Sinabi din ng pinuno ng turismo na “may kapangyarihan ang turismo na mag-udyok ng mga kaunlaran sa pamamagitan ng pagtataguyod ng paglago ng ekonomiya.”

Ang ilang mga pangunahing hakbangin ng DOT na nagbigay kapangyarihan sa mga komunidad at nagsulong ng kaunlaran sa katutubo kinabibilangan ng Philippine Experience Program (PEP) na nagpapakita ng mga hindi gaanong kilalang destinasyon at ang Tourism Champions Challenge na sumusuporta sa mga makabagong proyektong pang-imprastraktura sa lokal na antas.

Ang mga pangunahing proyekto tulad ng Tourist Rest Areas (TRAs) at ang Tourism Road Infrastructure Program (TRIP) naglalayon din na pagandahin ang pangkalahatang karanasan sa turista at palakasin ang mga lokal na ekonomiya.

Dumalo sa congress ang mga opisyal mula sa LMBP kabilang si National President Maria Kristina Jessica Dy, Vice President Maria Martina Gimenez, National Secretary General Celestino “Tining” Martinez III, National Vice President for the Visayas Julius Cezar Tajanlangit at Auditor Marcelino Fernandez.

Pinagsama-sama ng kaganapan ang humigit-kumulang 4,700 mga pinuno ng barangay mula sa buong bansa upang mag-estratehiya sa pagpapaunlad ng komunidad.