BBM Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Secretary Jay Ruiz ng Presidential Communications Office

PAPI ipinahayag tiwala, kakayahan ni Ruiz na pamunuan ang PCO

441 Views

PINURI ng Publishers Association of the Philippines Inc. (PAPI), isa sa pinakamalaki at pinakamatandang media organization sa bansa, si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagpapanatili kay Secretary Jay Ruiz bilang pinuno ng Presidential Communications Office (PCO), dahil sa kanyang propesyonalismo, integridad bilang mamamahayag, at pagiging matatag sa isang mahalagang panahon para sa komunikasyon ng pamahalaan.

Sa isang pahayag, ipinaabot ni PAPI President Nelson Santos ang kaniyang tiwala sa kakayahan ni Ruiz na pamunuan ang PCO sa gitna ng mga ingay sa politika at matinding pressure mula sa publiko.

Si Ruiz, isang beteranong field reporter at lubos na iginagalang sa larangan ng broadcast journalism, ay may deka-dekadang karanasan sa pagtutok sa mga pangunahing balita.

Ayon kay Santos, ang malalim na pang-unawa ni Ruiz sa media landscape at pulso ng masa ay mga bihirang katangian na tumutugma sa mga hamon ng pagiging kalihim ng PCO sa makabagong panahon.

“Nasaksihan namin sa community press at mainstream media ang dedikasyon ni Secretary Ruiz sa pagiging patas, makatotohanan, at sa malayang pagdaloy ng tama at tumpak na impormasyon,” dagdag pa ni Santos.

“Sa panahon ngayon na laganap ang maling impormasyon, kailangan natin ng isang taong hindi lang alam ang trabaho—kundi mismong nakaranas na nito sa larangan,” aniya.

Kasama ng PAPI ang iba pang mga mamamahayag at mga propesyonal sa komunikasyon sa pagsuporta sa pamumuno ni Ruiz, na itinuturing nilang mahalagang haligi sa pagpapalakas ng mga inisyatiba ng pamahalaan sa larangan ng impormasyon.