Parak doble kayod para timbugin killer ni Pulhin

276 Views

HINDI pa rin nahuhuli ng mga miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) ang lima pang indibidwal, kabilang ang mag-asawa, na umano’y sangkot sa pagpatay sa technical director ng House Committee on Ways and Means na si Mauricio “Morrie” Pulhin noong June 15.

Kabilang sa mga tinutugis ang umano’y gunman at ang kasabwat nito, ang mag-asawang pinaniniwalaang utak sa pamamaslang at ang kanilang driver na umano’y naghanap ng hitman para itumba si Pulhin.

Ayon kay QCPD spokesperson Police Captain Febie Madrid, ang pagkakakilanlan ng mga umano’y mastermind at iba pang suspek ay nabunyag sa extrajudicial confession na nilagdaan ng isa sa mga naarestong suspek na si alyas “Balong.”

Isa si Balong sa unang dalawang suspek na inaresto ng QCPD at kabilang sa pitong indibidwal na nahaharap ngayon sa kasong murder na isinampa sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Ang dalawang nadakip na suspek ay nagsilbing middleman at lookout sa pamamaril.

Batay sa sinumpaang salaysay ni Balong, ang driver ng umano’y mastermind na mag-asawa ang inutusang humanap ng taong magpapatupad ng pagpatay.

Lumalabas sa imbestigasyon ng QCPD na ipinag-utos umano ng mag-asawa ang pagpatay kay Pulhin bago pa sila masampahan ng kasong estafa ng biktima.

Idinagdag ni Madrid na ang motibo sa likod ng pagpatay ay tila konektado sa nawawalang P2.6 milyon mula sa diagnostic clinic na pag-aari ng Pulhin kung saan dating nagtrabaho ang mag-asawa.