Escort

Parak-Makati hinuli 3 lalaking naniniktik

Edd Reyes Jun 23, 2025
24 Views

Escort1NADAKIP ang tatlong security escorts na umano’y naniktik at nagbalak pasukin ang bahay ng 41-anyos na negosyante sa Makati City.

Naaresto ng mga miyembro ng Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) at Makati Police Sub-Station 2 sina alyas Lucrecio, 38, Frank, 38; at Jeo, 27, na nakumpirmang pawang mga civilian security escorts.

Sa ulat kay Southern Police District (SPD) Acting District Director P/BGen. Randy Arceo, nakatunog ang biktimang si alyas Jonathan sa paniniktik umano sa labas ng kanyang bahay ng mga suspek na nagtangka pang pumasok noong Biyernes ng gabi kaya tumawag siya sa 911.

Kusa namang isinuko ng mga suspek ang kanilang tatlong kalibre .45 pistols ng komprontahin ng mga pulis habang nasa karinderya malapit sa bahay ng biktima.

Natuklasan ng mga pulis na isa lamang sa tatlong baril ang lisensyado at may permit to carry outside residence.

Sasampahan ng kasong light threat at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang mga nahuli.