Sinagip

Parak-NE sinagip 3 minors na nananakot online

Steve A. Gosuico Aug 28, 2026
240 Views

SAN JOSE CITY, Nueva Ecija — Kinilala at sinagip ang tatlong babaeng menor de-edad na responsable umano sa mga online threat sa lungsod na ito.

Inaksiyunan ng Nueva Ecija police ang mapagbantang social media post na unang na-detect ng Meta at iniulat sa Federal Bureau of Investigation (FBI).

Kinilala ang tatlo na sina alyas “Lea” na 15-anyos; “Mia” at “May” na 13-anyos.

Noong Agosto 25, nangamba ang Caanawan National High School dahil sa kumalat sa Facebook post mula sa isang “Gerald Santos” na nagbabanta ng pagpatay sa mga estudyante at guro.

Dahil sa bantang ito, ayon kay police head Lt. Col. Gerald Fernandez, nagsagawa sila ng eperasyon laban sa mga perpetuators at nahuli ang mga nasa likod sa pamumuno ni Capt. Esteban Belarmino ng SJC-Women and Children Protection Desk at PMSg. Marie Antonette Del Rosario.

Nailigtas ang tatlong kabataan na kinilala bilang posibleng biktima ng “nihilistic violent extremism.”

Si “Lea” ay umamin na siya ang may-ari ng FB account na “Gerald Santos.”

Samantala, sina “Mia” at “May” ay umamin na ang post ay kanilang pinagplanuhan at ginawa.

Ayon sa kanila, wala silang aktuwal na intensyon na gawin ang mga banta.

Ang layon lamang nila ay magdulot ng takot at mapilitang ideklara ang suspension ng klase. Ang video ng baril ay na-download lamang nila mula sa internet at hindi nila pag-aari.

Pansamantalang ipinagkatiwala sa kanilang mga magulang sa gabay ng CSWDO San Jose City ang tatlo para sa counseling, psychosocial support at iba pang interventions.

May katapat na parusa ang death threat sa ilalim ng Republic Act No. 10175, o Cybercrime Prevention Act.