Taduran

Parangal kay Nora Aunor ikinagalak ni Taduran

Mar Rodriguez Jun 14, 2022
226 Views

IPINAHAYAG ng isang kongresista na matagal na dapat iginawad sa nag-iisang “Super Star” ng Pelikulang Pilipino na si Nora Aunor ang karangalan bilang “National Artist” matapos ang ilang taong pagbalewala sa kaniyang nominasyon para sa nasabing titulo.

Gayunpaman, nagagalak parin si ACT-CIS Rowena Nina Taduran na sa wakas ay naipagkaloob na kay Nora Aunor ang ang titulo ng pagiging National Artist bagama’t inabot pa ng mahabang taon ang paghihintay para kilalanin ang kausayan ng nasabing aktress.

Sinabi ni Taduran na ang pagkilalang ito kay Aunor ay matagal na dapat naibigay partikular na kung titignan ang kaniyang mahusay na pagganap at paggawa ng mga de-kalidad na pelikula hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibayong dagat.

Si Aunor ang kauna-unahang babaeng aktor at direktor na bibigyan ng pagkilala bilang National Artist for Film and Broadcast.

“Nagpapasalamat ako kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ang kapwa ko Bicolana (Iriganon) ay bibigyan na ng pagkilala bilang National Artist. Maraming beses na tayong binigyan ng karangalan ni Nora Aunor. Panahon na upang ibalik natin ito sa kaniya,” sabi ni Taduran.

Bukod sa pagkilala bilang National Artist, makatatanggap din si Aunor ng gintong medalya mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), cash award, insurance, isang espesyal na lugar kapag mayroong mahalagang pagtitipon ang pamahalaan at kapag siya ay nasawi. Bibigyan siya ng isang “state funeral”.