Pic9 Marely Abanto, Angela Umali

Partnership ng SM Foundation, SM Retail lumikha ng mga trabaho

16 Views

NAGBUNGA ang partnership ng SM Foundation at SM Retail, Inc. ng 17 kabataang graduate na ngayon ay nasa hanay na ng manggagawa ng SM Retail.

Sila ang unang batch ng mga nagtapos sa ilalim ng Upskill-to-Work Scholarship Program ng nasabing partnership.

Karamihan sa kanila ay mga nagtapos ng Senior High School na nagmula sa mga pamilyang kapos sa buhay at walang kakayahang tustusan ang apat na taong pag-aaral sa kolehiyo.

Bukod sa mga nagtapos ng Senior High School, bukas din ang programa sa mga kabataang hindi na nag-aaral at mga estudyante sa kolehiyo na hindi pa nakapagtatapos.

Sa ilalim ng programa, sumailalim sila sa dalawang buwang pagsasanay at on-the-job training sa mga SM Store. Sila ay nagtatrabaho na ngayon bilang mga Sales Associate sa mga sangay ng SM Store.

Si Ginoong Jemome Paul G. Arino, isang life coach, ang naatasang mangasiwa sa pagsasanay sa pagpapaunlad ng personalidad ng mga trainee. Saklaw nito ang pisikal, emosyonal at espirituwal na aspeto ng kanilang pagkatao.

Ayon kay Arino, kabilang sa pisikal na aspeto ang pag-aayos ng kanilang panlabas na anyo, tamang tindig at paraan ng pakikipag-usap sa mga customer, dahil sila ang tutulong sa mga mamimili sa loob ng tindahan.

Itinuturo rin sa kanila na mayroon silang ligtas na espasyo sa piling ng kanilang mga kasamahan upang malaya nilang maibahagi maging ang kanilang mga hindi magandang karanasan.

Sa ganitong paraan, nagkakaroon sila ng kamalayan sa mga bagay na maaari pa nilang pagbutihin sa kanilang sarili.

Hinihikayat din ng pagsasanay ang mga trainee na isentro sa Diyos ang kanilang buhay, na siya ring pundasyon ng SM Foundation.

“Dala-dala nila ang lahat ng aral para ma-fulfill nila ang dreams nila,” ani Arino.

Layunin din ito ng SM Foundation—ang mabigyan sila ng pagkakataong maging produktibong miyembro hindi lamang ng kanilang mga pamilya kundi maging ng bansa.

Matapos mag-apply online sa Upskill-to-Work Program, sumailalim ang mga aplikante sa indibidwal na panayam sa mga mentor. Ang mga nakapasa ay nagpatuloy sa pagsasanay upang matutuhan ang mga kasanayang kailangan nila upang makapasok sa trabaho.

Isa sa mga benepisyaryo ng programa si Marely Abanto, na dating first-year student sa ICCT College. Tumugon siya sa isang post ng SM Retail tungkol sa bakanteng posisyon bilang Sales Associate.

Matapos makapasa sa paunang panayam at makumpleto ang mga kinakailangang dokumento, sumailalim siya sa pagsasanay.

Ayon kay Abanto, sa loob ng isang buwan ay dumalo siya sa mga lektura at lumahok sa mga role-playing activity sa punong tanggapan ng SM.

Natutuhan niya ang mga pamamaraan ng pagbebenta at itinalaga para sa kanyang on-the-job training sa isang SM Store na malapit sa kanilang tirahan.

“Inaasahan kong maging regular na empleyado ng SM,” aniya.

Pangarap niyang mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya, makita ang kanyang mga anak na babae na makatapos ng pag-aaral, at magkaroon ng magandang bahay.

Isa pa sa mga benepisyaryo ng partnership si Angela Umali, isang nagtapos ng Senior High School sa Datamex, Saint Adeline College sa Caloocan City.

“Nag-apply ako sa pamamagitan ng Facebook. Anim na linggo ang pagsasanay. Inaasahan kong mas marami pa akong matutuhan at magtagumpay sa buhay. Gusto kong makatulong sa aking pamilya at mga kapatid,” ani Umali.