Oducado

Party list rep gusto ng transparency sa natl budget

Mar Rodriguez Feb 2, 2026
144 Views

NAIS ni 1-TAHANAN Party List Rep. Nathaniel Oducado na magkaroon ng transparency sa paghahanda at pagpoproseso ng national budget para mapawi ang mga agam-agam ng publiko.

Ito ang nakapaloob sa House Bill No. 6721 na isinulong ni Oducado upang magkaroon ng transparency, accountability at ang pakikilahok ng mamamayan sa budget process sa pamamagitan ng komprehensibong digital platform.

Tinawag na Citizen Access and Disclosure of Expenditure for National Accountability (CADENA) Act ang panukalang batas ng kongresista na layuning mapapangalagaan ang integridad ng pambansang pondo laban sa korapsyon.

Binigyang diin ng kongresista na ang pinaka-mahalagang puntos sa kaniyang panukalang batas ay ang pagkakaroon ng “full disclosure” at accessible sa publiko ang budget process.

“CADENA seeks to institutionalize transparency, accountability and citizen participation in the national budget process through the creation of a comprehensive digital platform,” wika ni Oducado.

Idinagdag pa ni Oducado na ang pangunahing layunin din ng House Bill No. 6721 ay ang pagtatatag ng National Budget Transparency and Accountability Council (NBTAC) para naman sa monitoring sa implementasyon ng inaprubahang national budget.