Abante Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante

Parusa sa EJK, pagbawal sa POGO, 3 pa nabuong panukala mula sa pagdinig ng House quad comm

15 Views

NAKAGAWA ng limang panukalang batas ang House quad committee mula sa 15 pagdinig na isinagawa nito kaugnay ng extrajudicial killings (EJK), Philippine offshore gaming operations (POGO), land fraud, identity falsification at espionage.

Sa opening statement ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante, co-chair ng quad comm at chairman ng House committee on human rights, na binasa ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, tinukoy ang mga panukalang batas na bunga ng imbestigasyon ng quad comm kaugnay sa mga paglabag sa karapatang pantao at transnational crimes na iniuugnay sa ilegal na operasyon ng POGO.

Ang mga panukalang batas ay ang mga sumusunod:

1. House Bill No. 10986 na nagkakategorya sa EJK bilang isang heinous crime at nagbibigay ng bayad pinsala sa mga pamilya ng mga biktima;

2. House Bill No. 10987 na naglalayong ipagbawal ang lahat ng uri ng offshore gaming operations sa Pilipinas;

3. House Bill No. 11043 na nagtatakda ng civil forfeiture ng mga ari-ariang lupa na ilegal na nakuha ng mga dayuhan;

4. House Bill No. 11117 na nagbibigay kapangyarihan sa estado na kanselahin ang mga pekeng birth certificate; at

5. House Bill No. 10998 na nagpaparusa sa sabwatan at mungkahing magsagawa ng pang-eespiya o paniniktik.

“We have heard accounts that chilled the soul—of lives discarded like refuse, of uniforms used to conceal lawlessness, of badges used as instruments of fear,” ayon sa opening statement ni Abante na binasa ni Adiong, vice chairman ng House committee on human rights.

Nagsagawa ang quad comm ng mga pagdinig sa EJK na naganap sa madugong giyera kontra droga noong administrasyong Duterte, kung saan libo-libong Pilipino ang napatay.

“But we did not turn away. We listened. We dug deep. And, most importantly, we acted. Hindi lang tayo nakinig, hindi lang tayo naawa; tayo ay kumilos!” dagdag pa ni Abante.

Ayon kay Abante, ang mga resulta ng panukalang batas ay patunay na ang congressional oversight ay maaaring magsilbing daan sa pambansang pagwawasto.

“Through our work, we have reminded every evildoer, every coward in uniform, every merchant of death and deceit: your time is over,” giit ni Abante.

Pinuri rin ni Abante ang mga humarap na whistleblower at mamamayang testigo sa kabila ng panganib sa kanilang buhay.

“All this has been possible because good people chose not to be silent… To them, we say this: you may escape our reach, but not the long arms of the law,” diin ni Abante.

Binigyang-diin pa sa pahayag na ang trabaho ng quad comm ay hindi pagtatapos kundi simula. “The beginning of justice… the beginning of reform… the beginning of national repentance,” ani Abante.

Binigyang-diin naman ng pahayag ni Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen “Caraps” Paduano, co-chair ng House quad comm at chairman ng House committee on public accounts, na ang mga natuklasan sa mga pagdinig ay nagpapakita hindi lamang ng kabiguan sa pamamahala kundi ng malalim at sistematikong kahinaan ng bansa laban sa mga dayuhang sindikato.

“We must now confront the reality that there are both Filipino citizens and Chinese nationals who have allowed themselves to be used to undermine our institutions and sow division among our people,” ayon kay Paduano.

Ayon pa sa mambabatas, unang nadiskubre ng kanyang komite ang modus sa pamemeke ng birth certificate na ginagamit ng mga Chinese nationals upang magpatakbo ng front businesses at makabili ng lupa.

“These unscrupulous individuals would deliberately resort to illegal means… to lend a semblance of legitimacy to their unlawful intentions,” dagdag pa niya.

Binanggit din ni Paduano ang kaso ng Empire999 Inc. sa Mexico, Pampanga, kung saan P3.6 bilyong halaga ng shabu ang nasamsam at naugnay sa mga Chinese incorporator na sina Aedy Yang at Willie Ong.

Dagdag pa ni Paduano, “Mayor Tumang, together with the Sangguniang Bayan… dubiously reclassified a parcel of agricultural land as commercial property.”

“This illustrates the gravity of the problem we face… they exploit our own people to generate income, and then use that income to undermine our sovereignty—inside our own territory,” babala ni Paduano.

Ibinunyag din ng mambabatas na may ilang Chinese POGO operators na dati umanong miyembro ng Chinese police force, batay sa mga testimonya.

“These facts alone raise serious questions about his connections and potential motives,” ani Paduano.

Bagaman nilinaw ni Paduano na walang direktang ebidensiya ng pakikialam mula sa Chinese government, iginiit niyang nananatiling seryoso at estratehiko ang banta na dulot ng mga dayuhang sindikato.

“It is plausible that these criminal syndicates are operating in collusion with certain members of the Chinese Communist Party,” dagdag pa ng kongresista.